THREE-POINT shooting at offensive rebounding.
‘Yan ang mga sinandalan ng South Korea para biguin ang Pilipinas, 91-82, sa kanilang men’s basketball quarterfinals game sa 18th Asian Games Lunes ng tanghali sa Jakarta, Indonesia.
Nakakuha ng mas maraming offensive rebounds ang South Korea na nagbigay sa kanila ng mas maraming pagkakataon na makaiskor at nakapagbuslo rin ng mga tres sa mga krusyal na yugto ng laban para biguin ang Pilipinas.
Nanguna para sa Korea ang naturalized player nitong si Ricardo Ratliffe na umiskor ng 30 puntos at sumungkit ng 14 rebound kung saan anim dito ay offensive.
Nagdagdag naman ng tig-17 puntos para sa Korea sina Kim Sunhyung at Heo Ilyoung na tumira ng pinagsamang anim na tres sa laro.
Unang lumamang ang Korea, 14-5, may anim na minuto pa ang natitira sa unang yugto pero naagaw ng Pilipinas ang bentahe, 31-29, sa tres ni Chris Tiu, may limang minuto pa bago mag-halftime break.
Pinalawig pa ng mga Pinoy ang kalamangan nito sa 54-48 mula sa layup ni Jordan Clarkson sa 7:06 marka ng third quarter.
Mula rito ay unti-unti nang kinain ng mga Koreano ang kalamangan ng mga Pilipino hanggang sa mabawi nito ang bentahe, 69-68, sa dunk ni Ratliffe, may walong minuto pa ang nalalabi sa laro.
Umabot pa sa 12 puntos ang kalamangan ng Korea, 86-84, may 2:38 pa sa orasan at hindi na nakahabol pa ang Team Pilipinas.
“I take responsibility for it (loss). We were in the game until the last 5-6 minutes,” sabi ni PH head coach Yeng Guiao. “We were not just comfortable with the zone (defense).”
Nagmintis si Clarkson sa kanyang unang limang tira pero tumapos pa rin siya na may 25 puntos mula sa 10-of-25 field goal shooting. Kumuha rin siya ng walong rebound para sa Team Pilipinas.
Nag-ambag naman si Christian Standhardinger ng 16 puntos at siyam na rebound at si Stanley Pringle ay nagdagdag ng 14 puntos para sa bansa.
Maglalaro pa ang Pilipinas sa classification stage kung saan maaari itong magtapos sa pinakamataas na puwestong 5th place.
“We’ll go for fifth. It’s the least we could do,” said Guiao.
Sa huling Asian Games sa Incheon, South Korea noong 2014 ay nagtapos sa ika-7 puwesto ang Pilipinas.
Huling nanalo ang Pilipinas kontra South Korea sa Asian Games noon pang 1970 sa Bangkok, Thailand.
Habang wala nang tsansa ang Pinas na makakuha ng medalya sa basketball ay uusad naman sa semis ang mga Koreans kontra Iran.