5 paslit patay, 6 pa sugatan sa sunog sa Tondo

LIMANG batang magkakapatid ang nasawi at anim pa katao ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang isang residential building sa Tondo, Manila, Lunes ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi bilang sina John Mike, 12; Michael, 7; Marcelo Nikko, 4; Mhiel Mikael, 3; at Michaella Geminiano, 1, ayon sa ulat ng Manila Police District Station 1.

Naiwanan umanong naka-lock ang pinto ng bahay ng pamilya nang lumabas ang magulang para bumili ng pagkain, kaya di nakalabas ang mga bata, ayon sa ulat sa radyo.

Sugatan naman sina Agripina Dionisia, 59; Erlinda Reyes, 74; Alvin Bacud, 26; Luningning Rivera, 54; Julito Tumangil, 17; at Jerson Dela Cruz, 16, ayon sa pulisya.

Nagsimula ang sunog sa 3-palapag na gusali sa panulukan ng Laperal st. at Herbosa st., alas-9:17.

Umabot ang sunog sa “fourth alarm” alas-9:51 at naideklarang under control alas-11:45, bago tuluyang naapula ala-1:34 ng hapon.

Bukod sa pagkasawi’t pagkasugat ng mga residente’y nagdulot ang sunog ng humigit-kumulang P120,000 halaga ng pinsala sa ari-arian.

Inaalam pa ang sanhi ng apoy.

Read more...