SA isang malaking presscon ay nagkakaisa ang mga nandu’n sa pagsasabing mukhang may pinagdadaanang kung anuman ang isang magaling na young actor. Ibang-iba kasi ang kanyang dating, napakaseryoso niya, mukhang problemado nga siya.
Maraming naaalarma dahil mahusay pa namang umarte ang young actor, kahit anong papel ang ipagkatiwala sa kanya ay maayos niyang naitatawid, hanggang ngayon ay aktibo pa rin siya sa pag-arte.
Kuwento ng isang source, “Ano kaya ang problema niya? Palagi lang siyang nakatulala, parang wala siya sa sarili niya. Nag-aalala lang ang mga nandu’n dahil mabait ang batang ‘yun, maganda ang PR, kaya nagtaka sila dahil sa kabuuan ng presscon, e, tahimik na tahimik lang siya.
“Puwedeng sobrang pagod lang siya kaya ganu’n, matindi kasi ang pressure sa mga trabahong ginagawa niya ngayon, kaya baka kapos na kapos siya sa tulog at pahinga.
“Maayos naman ang itsura niya, mukhang wala naman siyang pinagkakaabalahang bisyo, ‘yun nga lang, nakakapanibago ang pagiging seryoso niya ngayon. Ni hindi siya ngumingiti man lang,” nag-aalalang chika ng aming impormante.
Kung paniniwalaan ang mga kuwento-kuwento ngayon ay parang nagkakaigihan sila ng isang female personality na dati na niyang naka-close. Nagkaroon kaya sila ng hindi pagkakaunawaan?
“Very sensitive kasi si ____ (pangalan ng magaling na young actor), ‘yun ang reason kung bakit magaling siyang artista, malalim ang hugot niya palagi. May nangyari kaya sa kanila ng ka-close niyang girl?
“Takang-taka kasi ang mga nasa presscon kung bakit siya ganu’n katahimik, nakakapanibago ‘yun, dahil may pagka-comedian din kasi siya. Kung meron man siyang pinagdadaanan ngayon, e, maging maayos din sana agad siya, huwag siyang masyadong nagseseryoso, para hindi naaapektuhan at nag-aalala ang mga taong nagmamahal sa kanya,” sabi pa ng aming source.
Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, mabilis n’yong mahuhulaan kung sino ang magaling umarteng young actor na ito. Baka iniisip n’yong wala lang siya sa mood at wala naman siyang problema, pero ang sabi ng mga nasa pesscon, meron, meron, meron!