HINDI ko maintindihan kung ano ang hinihintay ng Duterte administration at tila kulang ang aksyon sa tumataas na halaga ng mga pagkain sa merkado.
Mula noong Enero, ang presyo ng isda ay halos doble na, lalo na ang mga gulay, at bigas.
Ayon sa Philippine Statistics Office, “food inflation” nitong July 2018, ang presyo ng gulay ay dumoble mula 8.6 percent noong June at naging 16 percent sa buong bansa.
Pagtaas sa loob ng isang buwan kung saan supply ang sinisisi palagi, kesyo maulan at bumabaha.
Dalawang taon na si Duterte sa pwesto, ganoon din si Agriculture Sec. Manny Pinol, bakit hindi bumababa ang presyo ng gulay, bigas, isda, maging baboy at manok? Nasaan na ang gagawing aksyon sa “food to market supply chain”?
Naaalala ko ang pa-ngako ni Mr. President, “The food chain in the Philippines must be at least perfected by – on the third year of my administration”.
Problema talaga ang napakaraming “layer” ng middlemen at negosyante na mas sobra pa ang kinikita kaysa mga magsasaka, magbababoy, magmamanok, mangingisda. Isipin niyo sa live weight ng baboy na P115/kilo, ipapasa ng trader sa P240/kilo.
Sa isda na P85/kilo ng galunggong sa bawat banyera, ibebenta nila ng P140-160/kilo. Ganoon din sa bigas na bibilhin sa magsasaka ng P18/kilo farm gate price ng palay pero ipapasa naman sa palengke ng P42-50/kilo.
Ang farm gate price ng broiler chicken ay bumagsak na sa P77/kilo mula sa dating P95/kilo noong Agosto 17 dahil sa mahinang demand ng manok sa merkado. Pero tingnan niyo ang bentahan sa palengke, hindi nagbago at nasa P130-140/kilo.
Ano ba iyan? Maliwanag pa sa sikat ng araw na wala sa produksyon ng ating farm and fish products ang problema. Hindi dapat sisihin ang mga magsasaka, maggugulay, magbababoy, magmamanok at iba pa na akala natin ay nagtatamasa ng mas mataas na kita dahil sa taas ng presyo. Maliwanag na ang namamayagpag ay ang mga masisibang “traders, middlemen” at “speculators” na ginagamit ang TRAIN LAW para umiral ang kanilang mani-pulasyon sa mga presyo ng bigas, gulay, isda, manok, baboy at iba pang mga pangunahing pagkain ng taumbayan.
Kung bakit kasi sa dalawang taong panunungkulan ni Pres. Duterte, napakabagal ang pagtatayo ng maraming drying at storage facilities sa mga magsasaka, cold storage din sa mga maggugulay at magpuprutas, mo-dern slaughterhouses na may “blast freezing facilities” para sa mga magbababoy, at para sa mga mangingisda, cold sto-rage, ice-making at fish landing facilities.
Kung merong “build-build-build” sa mga kalye at tulay, dapat ay meron ding ganoon sa “food to market supply chain” at unahin ang kapakanan ng mga magsasaka at mga consumers.
Tingnan niyo ang nangyayari ngayon, hindi magalaw ang mga rice cartel, ang mga pork and chicken hoarders, ang mga cartel sa sibuyas, bawang at iba pang gulay. Ang masakit, sila pa rin ang kumokontrol ng mga presyo na ang tinatamaan ay tayong mga consumers.
Paano magkakatotoo ang pangako ninyong “perfect food chain” , Mr. President, kung ngayon pa lamang ay hilong talilong na ang Gabinete mo sa tumataas na presyo ng bi-lihin?
Kung tutuusin, kilala ninyo ang mga masisibang “middlemen”, salbaheng “traders” at “price manipulators” na ito, bakit hindi niyo pa upakan, Sec. Piñol, at Mr. President?
Masibang ‘middlemen’ sa bigas, isda at gulay, upakan na!
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...