PH lady golfers humataw ng 2 ginto | Bandera

PH lady golfers humataw ng 2 ginto

Angelito Oredo - August 26, 2018 - 09:13 PM

Tinanghal na gold medal winners sa 18th Asian Games sina Yuka Saso, Lois Kaye Go at Bianca Pagdanganan matapos magwagi sa women’s golf team event Linggo ng hapon. Nakuha rin ni Saso ang ginto sa women’s golf individual ‘s event.

JAKARTA – Nakapagtala ng panibagong kasaysayan ang Pilipinas sa larong golf Linggo ng hapon matapos nitong iuwi ang dalawang gintong medalya sa women’s individual at team event ng ginaganap na 18th Asian Games golf competition sa Pondok Indah Golf & Country Club dito.

Binitbit ng 17-anyos na si Yuka Saso ang kampanya ng Pilipinas sa pagtala ng apat na araw na pinakamababang iskor sa mga round nito na 71-69-69-69 para sa kabuuang 275 upang maging unang Pilipinong atleta na nagawang makasungkit ng dalawang ginto sa kada apat na taong torneo.

Ibinigay ni Saso, na nagsimulang maglaro ng golf noong 2009 sa edad na walong taon, ang ika-400 na medalya ng Pilipinas sa Asian Games at ikalawang ginto sa sport na golf matapos na huling magwagi si Ramon Brobio sa men’s individual event noong 1986 Asiad na ginanap sa Seoul, South Korea.

Una munang naghabol si Saso sa loob ng tatlong araw sa pumangalawa lamang na si Wenbo Liu ng China na may 69-69-67-73 para sa kabuuang 278 strokes bago ang maigting na labanan ng dalawa sa huling dalawang hole.

Tabla sa 16th hole ng top flight ay biglang naiwan si Saso ng dalawang stroke matapos na mag-double bogey sa par 3 na 17th hole. Gayunman, imbes na masiraan ng loob ay bumawi ito sa par 5 na ika-18 at huling hole kung saan isinalpak nito ang isang krusyal na eagle upang sandigan sa una nitong gintong medalya.

Nasira naman ang diskarte ni Liu matapos magtala ng quadruple bogey sa importanteng hole upang mabitawan ang korona at magkasya lamang sa pilak.

Nagtabla naman sa ikatlong puwesto sina Bianca Pagdanganan ng Pilipinas at Ayaka Furue ng Japan bago iginawad sa una ang ikalawang medalya ng bansa sa nasabing event via playoff. Umiskor si Furue ng 67-70-74-68 para sa 279 habang si Pagdanganan ay may 72-70-71-66 para sa kabuuang 279 strokes.

Ang nauwing dalawang ginto at isang tansong medalya ay unang pagkakataon para sa Pilipinas habang una rin nito na nakasungkit ng dalawang ginto sa isang event sa loob ng isang edisyon ng Asian Games.

Ang huling ginto sa golf na napanalunan sa torneo ay nasungkit ni Brobio noong 1986, eksaktong 32 taon na ang nakakaraan.

Huling nakapagwagi ng dalawang gintong medalya sa isang edisyon ng Asiad si Bong Coo na may dalawang ginto rin noong 1986 sa pagwawagi sa individual all-events at team of five.

Nagtala ang women’s team ng mga iskor na 143-139-140-132 para sa kabuuang 554 upang angkinin ang gintong medalya.
Umiskor si Saso ng 71-69-69-69 habang si Pagdanganan ay may 72-70-71-66. Nag-ambag naman si Lois Kaye Go ng 72-72-75-73 para sa una rin nitong gintong medalya sa torneo.

Napunta ang pilak sa South Korea (557) at ang tanso ay nauwi ng China (558).

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Unang pagkakataon din ng Pilipinas na nakapagwagi ng tatlong medalya sa loob ng isang araw na mas marami kumpara sa pinagsama-sama noong 2002, 2006, 2010 at 2014.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending