APAT katao ang naiulat na nasawi sa mga insidenteng dulot pag-ulang dala ng habagat na pinalakas ng tropical depression “Luis,” sa Benguet at Ilocos Norte, ayon sa mga otoridad.
Nasawi ang mag-asawang Florentino at Cristina Lagaten nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Tagpaya, Brgy. Madaymen, ng Kibungan, Benguet, Sabado ng umaga, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Cordillera.
Nakaligtas naman bagamat sugatan ang anak nilang si Clifford, na naka-confine ngayon sa Atok District Hospital.
Sa Ilocos Norte, nasawi si Emmanuel Ubibi, 57, nang tamaan din ng landslide ang inaalagaan niyang poultry farm sa Brgy. Bugayong, bayan ng Nueva Era, Sabado ng hapon, ayon sa ulat ng provincial police.
Una dito, natagpuang patay si Ernesto Manzano, 71, sa dalampasigan ng Brgy. Gabut Sur, Badoc, Sabado ng umaga.
Napag-alamang umalis ng bahay si Manzano noong Biyernes ng hapon at nangisda sa ilog na nasa naturang barangay, pero di na nakauwi.
Lumabas sa pagsusuring medikal na hypothermia o ginaw ang ikinasawi ni Manzano, ayon sa pulisya.
Noong Sabado ng hapon, isinailalim ng Sangguniang Panlalawigan ang Ilocos Norte sa state of calamity dahil sa dami ng residenteng naapektuhan ng mga pagbaha.
Umabot sa 14,000 residente ang naapektuhan at may naitala pang P111 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura, sabi ng Pamahlaang Panlalawigan sa isang kalatas.
Maraming kalsada ang di madaanan, maraming klase ang sinuspende, at hinikayat ang mga residente’t turista iwasan muna ang pagbiyahe sa lalawigan, ayon sa provincial government.
Isinara muna sa mga “tourist spot,” kabilang ang Kapurpurawan Rock Formation, Malacañang of the North, at Marcos Presidential Center.
Nagsagawa na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng relief operations sa mga bayan ng Paoay, Pasuquin, at Burgos.