Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
4 p.m. St. Benilde vs EAC
6 p.m. San Beda vs Arellano
Team Standings: Letran (2-0); Perpetual Help (2-0); Jose Rizal University (1-1); Lyceum (1-1); Arellano University (1-1); San Beda (1-1); Mapua (1-1); San Sebastian (1-2); St. Benilde (0-1); Emilio Aguinaldo College (0-2)
GARANTIYA mula sa kanyang manlalaro na ilalabas ang kanilang tunay na kalidad ang sinasandalan ni Emilio Aguinaldo College coach Gerry Esplana para wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo sa 89th NCAA men’s basketball tournament.
Kalaro ng Generals ang host College of St. Benilde sa ganap na alas-4 ng hapon sa labanan ng dalawang wala pang panalong koponan.
Kulelat sa 0-2 ang Generals matapos ang 49-69 pagkatalo sa University of Perpetual Help at 74-79 pagyukod sa Letran pero asahan na lalaban na nang husto ang EAC.
“The players approached me two days ago at sinabi nila sa akin na babawi sila,” wika ni Esplana.
Mismong ang beteranong coach ay naniniwalang nalalapit na ang pagpasok nila sa win column dahil sa magandang ipinakita sa Knights.
“The first game (Perpetual) was an eyesore but against Letran, we were there throughout the game. Kung hindi namin sila binigyan ng 48 free throws at 28 ang naipasok nila, nanalo pa kami. Kaya I’m really hoping the players, especially my veterans will play the way they should play,” dagdag ni Esplana.
Ang host Blazers ay napahinga rin matapos lumasap ng 70-71 pagkatalo sa San Beda sa pagbubukas ng liga noong Hunyo 22 at tiyak na ginamit nila ito para maiayos ang takbo ng koponan sa pagmamando ng baguhang coach na si Gabby Velasco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.