Pauline napilitiang rumesbak sa basher, dinamay na pati pamilya

DAHIL sa GMA primetime series na Kambal, Karibal mas dumami pa ang fans and supporters ni Pauline Mendoza. Pero kasabay nito, dumami rin ang kanyang bashers sa social media.

Hangga’t maaari ay ayaw nang pumatol ni Pauline sa mga netizens na puro kanegahan ang alam gawin sa buhay, lalo na sa mga trolls na walang identity sa kanilang mga profile.

Kung siya lang daw ang bina-bash ay kaya pa niyang palagpasin, pero kapag dinamay na ang kanyang pamilya lalo na’t below the belt na ang mga tira, du’n daw siya talaga nawawalan ng pasensya.

“Meron na po akong nasagot dati kasi pati family ko dinamay na nila. Sabi nila, buti nga raw na nagka-cancer ‘yung nanay ko. Yun na talaga ang pinakagrabe kaya sinagot ko sila ng, ‘Hindi n’yo alam yung pinagdadaanan namin kaya wag n’yong idamay yung family ko, lalo na ‘yung nanay ko. Sabi ko ako na lang, wag na ‘yung nanay ko,” pahayag ni Pauline nang makachikahan namin siya recently.

Nu’ng i-check daw ng Kapuso actress ang profile ng mga bumastos sa nanay niya, puro mga mukha ng artista ang nasa kanilang profile kaya napatunayan na puro trolls lang ang mga ito na walang ginawa sa social media kundi ang mangnega ng kanilang kapwa.

“Hindi po kasi talaga ako mapagpatol sa bashers. Ayoko maging singpantay kami ng level tsaka habang pinag-aaksayahan mo sila ng panahon lalo silang sumasaya,” dagdag pa ni Pauline na ang ganda-ganda pala sa personal kahit walang masyadong make-up.

Natanong din sa kanya kung bakit siya ang pinagbibintangan ng ilang fans na sumisira sa friendship ng mga kasamahan niya sa Kambal, Karibal na sina Bianca Umali at Kyline Alcantara?

“Hindi ko nga rin po alam. Nadamay lang talaga ako kasi feeling ko dahil magkakasama kami sa Kambal, Karibal, so wala naman silang ibang pagtatanungan. Basta po malinis ang kunsensiya ko, wala po akong ginagawang masama at pareho ko po silang kaibigan,” depensa pa ni Pauline.

Dagdag pa ng dalaga, “Sa totoo lang po, kapag magkakasama po kami nina Bianca at Kyline, nina Miguel (Tanfelix) hindi po namin napag-uusapan, kami pong apat. Okay naman po kaming lahat ngayon.”

May hiling naman si Pauline sa mga naninira sa kanya, “Sa mga taong namba-bash sa amin gusto ko lang linawin sa kanila na sa side ko sana wag na nila akong idamay, kasi wala talaga akong ginawang something sa kanila. Nakikisama ako ng maayos sa kanila. Wag nila akong isipan ng mali kasi wala naman sila sa mga times na nagtatawanan kami, hindi naman nila nakikita, ang alam lang nila ‘yung mga kumakalat na issue.”

Naniniwala rin si Pauline na wala nang issue sa pagitan nina Kyline at Bianca dahil magkasama na uli ang dalawa sa bagong episode ng Daig Kayo Ng Lola Ko at hindi raw siya naniniwala na gumigimik lang ang mga ito para pag-usapan.

Samantala, after ng Kambal, Karibal magiging busy pa rin si Pauline sa kanyang mga guesting sa iba’t ibang show ng GMA, ito’y habang hinihintay ang kanyang follow-up project. Hoping din ang dalaga na makatrabaho niya in the future ang kanyang idol na si Marian Rivera. At sana makasama uli niya sa isang proyekto si Dingdong Dantes.

“Nasa bucket list ko po ‘yan. Nakasama ko na si Kuya Dong sa Alyas Robinhood and he’s super nice po. And sana si Ms. Marian din po. Sabi po ng ibang artista, sobrang bait daw po ni Ate Yan (nickname ni Marian) at masayang katrabaho. Kaya gusto ko po na ma-experience rin working with her,” chika pa ni Pauline.

Read more...