Hiling ni Jodi: Sana wag munang magka-girlfriend si Thirdy

NOONG makausap namin si Jodi Sta. Maria ay nabanggit niyang sa sobrang abala niya sa pag-aaral at taping ng Sana Dalawa Ang Puso ay hindi na sila araw-araw nagkikita ng anak na si Thirdy na abala naman sa pag-aaral at ensayo ng basketball.

Varsity player kasi ng De La Salle High School si Thirdy kaya pagkatapos ng klase ay diretso ensayo na ng basketball kaya ginagabi na ng uwi. Sabi ni Jodi, hindi magtagpo ang schedule nilang mag-ina, pero parati naman silang nagkakausap sa cellphone.

Kaya naman kapag libre ang oras ng mag-inang ay talagang nagde-date sila. Kamakailan lang ay nag-post ng litrato si Jodi kasama ang anak na may caption na, “I had a lunch date. He’s handsome and witty. He was polite and had manners. He’s 13. Love you anak. More dates, pls? @tlacson29._”

Nabanggit pa nga sa amin ni Jodi na sana ay huwag munang magkakaroon ng girlfriend ang anak, pero okay lang daw magkaroon ng crush.

Anyway, sa pagpapatuloy ng Sana Dalawa Ang Puso, mukhang lumiliit na ang mundo nina Mona at Lisa (Jodi) dahil pinagseselosan na ng huli dahil mas maraming oras pa silang magkasama ng asawang si Leo Tabayoyong (Robin Padilla).

Sa kabilang banda naman ay pinagseselosan din ni Leo si Martin (Richard Yap) na ex-boyfriend naman ng asawang si Lisa na madalas ding magkasama at pupunta pa ng ibang bansa na pinlano naman ng biyenang si Juancho (Christopher de Leon).

Effective talagang kontrabida si Denise Laurel bilang Primera dahil galit na galit na sa kanya ang mga sumusubaybay sa Sana Dalawa Ang Puso at tinawag pa nga siyang impaktita.

Sa nalalapit na pagtatapos ng Sana Dalawa Ang Puso abangan kung paano ipagtatapat ni Irma Adlawan kina Mona at Lisa na kambal sila at siya ang nanay.

Samantala, may mga nagpoprotesta namang TFC subscribers na huwag muna sanang tapusin ang programa nina Richard, Jodi at Robin dahil ito raw ang libangan nila lalo na ng senior citizens na naiiwan sa bahay.

Napapanood ang Sana Dalawa Ang Puso bago mag-Showtime sa ABS-CBN.

Read more...