DEAR Ateng Beth,
May gusto lang po akong itanong. Medyo matagal na kami ng girlfriend ko. May anak na siya sa iba bago pa niya ako nakilala. One year old na po ang bata.
Sabi ko sa kanya na bubuhayin ko silang mag-ina nang tama at gustong-gusto naman nila iyon.
Ang tanong ko po, paano kung dumating ang panahon po na kunin sila ng dati niyang kasama at ama nung bata?
Isa pa, hindi pa kami kasal. Ibibigay ko ba sa totoong ama ang bata at maging ang girlfriend ko? Ano po kaya ang gagawin ko?
Vince, Davao City
Hello, Vince.
Naku, kuya, siguradong-sigurado ka ba diyan sa gusto mong gawin? Baka naman nagpapa-bibo ka lang sa girlfriend mo?!
Aba e, ikaw ang gustong umako ng responsibilidad ng iba tapos sa akin mo itatanong kung “paano kung…” Halerr!!
Joke! Hindi nga, seryoso ka ba sa gagawin mo? Pag-isipan mo munang mabuti. Papayag ka ba?
Makikipag-digma ka?
Ikaw lang talaga ang makakapagdesisyon tungkol diyan. Buhay mo iyan, ang kaya ko lang gawin ay ipakita sa iyo ang mga posibilidad na mangyari kung gagawin mo ‘yan.
Ikaw kasi ang mananagot diyan, hindi naman ako.
Bakit hindi kayong dalawa ng girlfriend mo ang mag-usap? Tanungin mo siya, willing ba siya na magsama kayo? Sasama ba siya? Ano ba ang gagawin niya?
Bakit hindi kayo magpakasal? Kung talagang desidido ka, e, di pakasalan mo, unless of course kung kasal siya sa iba o ikaw ay kasal sa iba.
Hindi naman ikaw lang ang unang lalaking gagawa ng ganyang kabayanihan, pero ikaw lang ang pwedeng humarap sa mga posibilidad na kalalabasan niyan.
Kaya mag-usap kayo ni girlfriend. Sabihin mo sa kanya lahat ng tanong at takot mo. Siyempre gusto niya ‘yang may tatayong ama at provider sa kanilang mag-ina, sino ba’ng aayaw dun?
Pero hanggang saan at kailan, ‘yun ang pagkasunduan ninyo ni girlfriend.