TATAPATAN ng tabak ang dunong at ibabagsak ang mataas. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa ng Ebanghelyo (Ez 28:1-10; Dt 32:26-28, 30, 35-36; Mt 19:23-30) sa Paggunita kay San Pio X, papa.
Sa Saligang Batas ni Corazon Aquino, may misyon ang AFP na ipagtanggol ang taumbayan at Estado. Katig din si Duterte sa military junta ultimo baraja huwag lamang maging presidente si Leni Robredo, banal. Ilang senior at junior officers ng AFP ang sumusuporta sa junta, bagaman di pa sila marami. Ang AFP na lang ang walang-bahid droga at ang katiwalian ay wala pang bilyones tulad ng pagnanakaw ng mga opisyal ni Aquino. Isang maling hakbang ng oposisyon at tatapat na ang tabak sa bukanliwayway.
Sinagot ni Duterte sa Davao City ang ating pitak sa nakalipas na kolum hinggil sa nakaambang dayaan sa Automated Electoral System (AES) sa 2019 election. Ipinangako ni Duterte ang malinis at maayos na halalan. Paanong magaganap ito habang nasa labas ng bansa si Angry Bird at nasa COMELEC pa rin ang galamay na peon na ginamit sa halalan sa 2016? Sayang, Sara.
Magandang pambungad ang pagkakaluklok ng babaeng deputy chief ng PNP sa Caloocan: dalawang shabungero ang tumba sa NC (North Caloocan). Tila eksperimento, pero bakit di subukan na talamak na user naman ang ubusin (dahil sila ang pumapatay, nanggagahasa, atbp.)? Pero, huwag ding tatantanan ang mga tulak.
Ang raid sa Makati bar ay patunay ng ating nakalipas na mga kolum hinggil sa droga sa mayayamang den. Bumabaha ang droga riyan at di sa mga barung-barong. Huwag sanang matinag ang PNP sa mga abogadong pumapel sa raid. Huwag sanang matakot si Heneral Albayalde sa mga kasong isasampa sa PNP dahil nasa likod ninyo ang normal na taumbayan. Sana’y mabitag na ang TV host na namumudmod ng shabu at ecstacy.
Altanghap lugaw na ang kakainin ng pamilya ng arawang obrero simula Nobyembre kung hindi maibababa ang high inflation. 50% ng P520 daily wage ay napupunta sa pagkain. Ang mayayaman ay 40% lang ang food budget, gayung di naman sila minimum. Mas lalong ililibing sa kahirapan ang mahihirap dahil di na mapagkakasya sa tricycle, jeepney, kuryente, tubig, pag-aaral ng mga bata at renta ang natirang P260.
Kahangalan ang kumontra sa pagbili ng submarino sa Russia. Ang sub ay di magagamit sa pakikipagdigma sa malalakas na bansa. Ang sub ay magagamit sa Basilan, Sulu, Palawan, Tawi-Tawi, Cebu (droga), atbp. Makapagpalubog din ang sub ng lumang cargo ships na nagbababa ng shabu sa karagatan.
Walang tiwala ang taumbayan sa MMDA enforcers; dapat alam yan ng rebeldeng Danilo Lim. Mayayabang ang MMDA dahil “badge” sila. Sinliit ng buto ng mustasa ang tingin ng MMDA sa riders at mga tsuper ng bus, pampasaherong jeepney, closed van, maging 10-wheelers. Naninindak ang MMDA para sumuka ng pera ang pobreng driver. Di naman daw lahat. Parang bandeha lang yan ng itlog. May bugok pa rin. Parang dating AFP. May mga rebelde pala.
UST (Usaping Senior sa Santa Monica Hagonoy, Bulacan): Para sa senior, walang “sanay” na sa baha, bagaman sanay na sila sa high tide dito. “Misfortune” kung ilarawan ng isang pari ang negosyanteng senior na nalugi sa fishpond o namatayan ng alagang mga hayop bunsod ng mataas na baha. Ang misfortune sa Hagonoy ay iniiyakan ng senior, lalo pa’t walang tumutulong sa kanya.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Tukod, San Rafael, Bulacan): Minsan lang lumuwas pa-Pasay, natrapik pa ng tatlong oras sa EDSA. May trapik na rin sa timog Bulacan at isang rosaryo lang ay uusad na. Sa EDSA, natapos na ang rosaryo, debosyon sa mga kaluluwa sa Purgatoryo (dalawang ikot sa rosaryo) at ang isang ikot ng Chaplet ng Banal na Awa, trapik pa rin. Di na ito tukso, kundi’y kagagawan na ng rebeldeng Danilo Lim.
PANALANGIN: O Jesus, manatili ang banal na takot nang di mawala ang biyaya. Talaarawan 1557 ni Santa Faustina.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit may shabu pa rin sa kabilang kanto? …1780, Tambler, General Santos City