Abu patay, 20 kawal sugatan sa engkuwentro

NAPATAY ang isang kasapi ng Abu Sayyaf habang 20 sundalo ang nasugatan nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang bandidong grupo sa Patikul, Sulu, Huwebes, ayon sa militar.

Nakilala ang napatay na bandido bilang si Alpata Abdurasa, sabi ni Lt. Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.

“There could be more casualties on the enemy side,” ani Besana, gamit bilang basehan ang field reports tungkol sa umano’y mga bakas ng dugo na natagpuan sa puwesto ng mga bandido.

Labing-walo sa mga sugatang kawal ang nagtamo ng bahagyang shrapnel wounds dahil gumamit ang mga bandido ng M203 grenade launchers, habang ang dalawa pa’y tinamaan ng bala, aniya.

Naganap ang engkuwentro sa Brgy. Langhub, dakong alas-9:30 ng umaga.

Nakasagupa ng mga miyembro ng Army 41st Infantry Battalion ang aabot sa 40 bandidong pinamunuan nina Abu Sayyaf sub-commanders Idang Susukan at Ben Tato, ani Besana.

Nagpadala na ng reinforcements para suyurin ang pinangyarihan, habang ang mga sugatang kawal ay dinala sa Kuta Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo para malunsan, aniya.

Read more...