Taduran lilipad sa Thailand para hamunin si Dwarf Giant

NAKATAKDANG lumipad patungong Thailand sa Huwebes, Agosto 23, si Pedro Taduran para sa pinakamalaking hamon ng kanyang bagitong boxer career.

Sa edad na 21 ay sumabak na ang reigning Philippine minimumweight champion sa 13 laban kung saan 12 ang kanyang naipanalo at may isang talo.

Sa Agosto 29 (naurong mula sa orihinal na petsang Agosto 28) ay lalaban siya sa labas ng bansa sa kauna-unahang pagkakataon para hamunin ang World Boxing Council (WBC) world minimumweight champion na si Chayaphon Moonsri ng Thailand.

Hindi isang madaling kalaban si Moonsri na kilala rin sa Thailand bilang Wanheng Menayothin, Kaiyanghada at “Dwarf Giant.”

Ang 32-anyos na si Moonsri ay wala pang talo at may win-loss ring record na 50-0 na katulad sa kartada ng American boxing legend na si Floyd Mayweather Jr.

Sa Agosto 29 ay tatangkain ni Moonsri na mahigitan ang marka ni Mayweather at tanging ang Pilipinong si Pedro Taduran lamang ang maaaring makapipigil sa hangarin nito.

Ayon sa trainer ni Taduran na si Tacy Macalos, pinaghandaan nila ng husto ang labang ito at sumailalim si Taduran ng mahigit 60 rounds ng sparring.

Alam ng Team Taduran kung gaano kahirap ang kanilang susuungin para lang maiuwi ang kampeonato sa Pilipinas.

Sa 50 panalong nairehistro ni Moonsri, 21 dito ay laban sa Pilipino at lahat ng kanyang mga laban ay ginanap sa loob ng Thailand.

Dahil dito ay mas determinado si Taduran na manalo hindi lamang para maging kampeon kundi para maipaghiganti ang 21 Pinoy boxers na tinalo ng kanyang kalaban.

Kasalukuyang nasa 110 lbs ang timbang ni Taduran pero kampante si Macalos na mapapababa niya ito sa 105 lbs sa araw ng official weigh-in.

Lilipad alas-2 ng hapon si Taduran patungong Thailand kasama sina Macalos at ang may-ari ng Hardstone boxing gym na si Johnny Monis.

Suot-suot na ni Moonsri ang WBC minimumweight belt mula pa noong naagaw niya ito kay Oswaldo Novoa ng Mexico noong Nobyembre 2014. — Frederick Nasiad

Read more...