JAKARTA —Kalimutan na ang nasayang na pagkakataon na matisod ang China noong Martes at pagtuunan na lang ng pansin ang susunod na laban sa quarterfinal round ng men’s basketball sa 18th Asian Games.
Iyan ang mensahe ni coach Yeng Guiao sa kanyang mga manlalaro isang araw matapos na malasap ng Team Pilipinas ang 80-82 kabiguan kontra China.
Kung nanalo kasi ang Pilipinas noong Martes ay makukuha nito ang No. 1 spot sa Group D.
Hindi pa tapos ang mga preliminary group round pero malamang na ang South Korea ang makakasagupa ng Pilipinas sa matira-matibay na quarterfinal round sa Lunes.
“Korea has a different system. Hindi sila nagri-rely sa malalaki nila,” sabi ni Guiao na nang hinatid sa 96-59 panalo ang Pilipinas kontra Kazakhstan noong isang linggo.
“They (Koreans) rely on ball movement. We have to prepare for their quickness.”
Sabi pa ni Guiao, isa sa mga manlalarong kanyang tututukan ay ang naturalized player ng South Korea na si Ricardo Ratliffe na naglaro noon sa PBA bilang import. Gayunman, aniya, may iba pang sandata ang South Korea.
“Our familiarity with Ratliffe will save us some time on the scouting report, but Korea is more than Ratliffe. Korea is more of a team game. They move the ball around. If you lose your focus, if you lose your patience, that’s the time you break down on defense. I guess those are the things that we have to plan against Korea,” ani Guiao.
Bagaman natalo ay natuwa naman si Guiao sa ipinakita ng kanyang koponan kontra China.
“If we play with the same effort just like what we’ve shown against China, tingin ko kaya natin ang Korea,” aniya.
Magugunitang ilang ulit nang pinaluha ng South Korea ang Pilipinas sa Asian Games.
Noong 1986 Asian Games sa Seoul, nabigong makapasok sa finals ang Pilipinas nang tawagan ng controversial charging foul si Allan Caidic na nagbigay sa Korea ng panalo.
Noong 2002 naman ay tumira ng tres si Lee Sang Min sa mga huling sandali ng laban para muling biguin ang Pilipinas.
Gayunman, umaaasa si Guiao na mabibigo ng Pilipinas ang Korea ngayon sa pangunguna ng Filipino-American NBA player na si Jordan Clarkson na tumira ng 28 puntos kontra China sa kanyang kauna-unahang laro para sa pambansang koponan.