Dead on arrival ang suspek na si Harland Garvida, 40, sa Southern Philippines Medical Center matapos pagbabarilin ng mga pulis nang atakihin ang negosyateng si Allen de Vera at gawing hostage ang pamilya nito.
Ayon kay Senior Insp. Ma. Teresita Gaspan, Davao City police spokesperson, pinasok ni Garvida ng NHA Bangkal ang bahay ni de Vera sa Acacia Lane, Woodridge Park Subd., Talomo District alas-9:45 ng umaga.
Kumuha umano si Garvida ng kutsilyo at sinugod si de Vera, na agad nabunot ang kanyang 9-mm pistola.
Nag-agawan sina Garvida at de Vera at nang pumutok ang baril ay natamaan sa balikat ang kasambahay na si Anna Cecilia Flores, 46.
Nagawa ni de Vera na makatakas at makahingi ng tulong sa pulis.
Tinangka ng mga miyembro ng Talomo police station na makipagnegosasyon sa suspek ngunit hindi sila nagtagumpay.
Sinugod ng suspek ang isa sa mga miyembro ng SWAT na si PO3 Junrell Tan kaya ito pinagbabaril.
Ginagamot ang mga sugatan sa ospital.
“An investigation on the incident was now underway,” ayon kay Gaspan.