Team Pilipinas taob sa China

JAKARTA, Indonesia —Lumaban ngunit kinapos ang Team Pilipinas kontra China, 80-82, sa Group D match ng men’s basketball tournament ng 18th Asian Games Martes ng gabi dito sa Gelora Bung Karno Basketball Hall.

Ibinigay ni Stanley Pringle ang tatlong puntos na kalamangan ng Gilas sa 80-77, may 1:23 na lamang sa laro subalit agad din nitong nabitwan matapos agad na bumalikwas ang China sa pagtutulunang nina Zhou Qui at Rui Zhao na nagawang itabla ang laro sa 80-80.

Tumira ng dalawang free throws si Zhao Rui para itulak ang China sa 82-80 kalamangan, may 13 sugundo na lang ang nalalabi sa laban.

Sa sumunod na play ay itinawid ni Paul Lee ang bola mula sa backcourt bago tumira ng tres at magmintis, may anim na segundo na lang ang natitira.

Nakuha ng China ang defensive rebound at inubos na lamang ang mga nalalabing segundo sa orasan.

Nanguna para sa Team Pilipinas ang NBA player na si Jordan Clarkson na nagtapos na may 28 puntos at walong rebounds sa kanyang kauna-unahang laro para sa national team.

Nagdagdag ng 18 puntos at walong rebounds si Christian Hardinger at may 14 puntos si Pringle para sa Pilipinas.

Gumawa naman ng 25 puntos at 12 rebounds ang isa pang NBA player na si Zhou Qi para sa China.

Nagtapos ang Pilipinas na may 1-1 kartada sa Group D matapos na magwagi laban sa Kazakhstan, 96-59, noong Huwebes.

Magsasagupa naman ang China (1-0) at Kazakhstan (0-1) sa Huwebes para sa huling laro ng Group D.

Ang top two teams lamang ng apat na grupo ang uusad sa knockout quarterfinal round.

Isa pang tanso

Ibinigay naman ni Pauline Louise Lopez ang ikaapat na bronze medal ng Pilipinas.

Natalo si Lopez laban kay Zongshi Luo ng China, 4-11, sa kanilang –57 kgs women’s taekwondo semifinals match. —Angelito Oredo

Read more...