2018 PBA Governors’ Cup magbubukas ngayon

Mga Laro Ngayon
(Ynares Center)
4:30 p.m. Columbian vs Meralco
7 p.m. NLEX vs TNT

SISIMULAN ni back-to-back Best Import Allen Durham at Meralco Bolts ang kampanya nitong makabalik muli sa pangkampeonatong serye sa pagbubukas ngayon ng 2018 PBA Governors’ Cup sa Ynares Sports Center, Antipolo City.

“We want to win the championship. We weren’t able to accomplish that for the past two seasons, so it makes us hungrier this time around,” sabi ni Durham.

Bubuksan ng Bolts ang kanilang kampanya kontra Columbian Dyip ganap na alas-4:30 ng hapon kung saan makakaharap ni Durham si Akeen Wright sa isang kapana-panabik na sagupaan ng mga mahuhusay na import bago ang alas-7 ng gabi na main game sa pagitan ng mga sister ballclub na NLEX Road Warriors at TNT KaTropa.

Matatandaan na nabigo si Durham at ang Bolts sa magkasunod na Governors’ Cup finals kontra Justin Brownlee at Barangay Ginebra Gin Kings kung saan ang Meralco reinforcement ang tinanghal na best import sa parehong okasyon.

Muling isusuot ni Brownlee ang kanyang Ginebra uniform matapos ihatid ang Gin Kings sa Commissioner’s Cup title laban sa San Miguel Beermen.

Tinawag naman ni Ginebra coach Tim Cone si Brownlee na “Michael Jordan” ng liga matapos itong kilalanin bilang best import ng 2018 Commissioner’s Cup at ipagkaloob sa Kings ang kabuuang ika-11 conference trophy.

“I’m up to the challenge. I just have to ready on the floor every single game,” sabi ni Durham.

Hindi maglalaro ang Gin Kings at Beermen sa unang dalawang linggo ng kumperensiya habang ang Rain or Shine Elasto Painters, na ipinahiram ang halos kabuuan ng kanilang koponan para sa national team sa 18th Asian Games, ay makakapaglaro makalipas ang limang linggo.

Ang balik-import na si AZ Reid at ang San Miguel Beer ay sisimulan ang kampanya kontra NLEX Road Warriors sa Setyembre 1 habang sisimulan ng Gin Kings ang kanilang title defense kontra Dyip sa Agosto 31.

Read more...