MAS affected at mas na-enjoy namin ang “The Day After Valentine’s” nina Bela Padilla at JC Santos kesa sa una nilang pelikula na “100 Tula Para Kay Stella”.
Nabigyan kami ng chance na mapanood ang “TDAV” sa ginanap na special celebrity screening ng movie sa Trinoma Cinema last Monday na dinaluhan nga nina JC at Bela with their director Jason Paul Laxamana and other members of the cast.
In fairness, para sa amin mas remarkable ang performance ng dalawang Kapamilya stars sa “The Day After Valentine’s”, mas malalim kasi ang pinanggagalingan ng kanilang mga karakter dahil pareho silang may matinding hugot sa buhay.
Nagsimula ang kuwento nang magkakilala sina Kai (JC) at Lani (Bela) sa isang maliit na clothing-fashion store kung saan nagtatrabaho ang dalaga. Sa una pa lang nilang pagkikita ay nag-click agad sila hanggang sa maging mag-BFF at magkainlaban.
Si Lani ang tumulong kay Kai na makalimot at maka-move on sa kanyang ex-girlfriend. Palagi kasing sinasaktan ni Kai ang kanyang sarili kapag may pinagdaraanang problema sa kanyang lovelife.
Unti-unting naka-recover ang binata dahil hindi siya iniwan ni Lani na ginawa ang lahat para mabuo uli ang kanyang pagkatao at makapagsimula uli. Hanggang sa ma-in love na nga siya kay Lani.
Pero magkakaroon ng twist and turn sa kanilang magandang relasyon nang isama na nga ni Kai si Lani sa pag-uwi niya ng Hawaii kung saan talaga siya nakatira kasama ang mga magulang at kapatid.
Dito rin nila inamin na may feelings na sila sa isa’t isa pero sa huling gabi ni Lani sa Hawaii, magkakaroon sila ng pagtatalo matapos tumanggi ang dalaga na makipag-sex kay Kai.
Ibibitin na namin dito ang kuwento para may shock factor pa rin kapag pinanood n’yo na ang
“The Day After Valentine’s”, basta ang maidadagdag lang namin, may bagong ipinakita rito sina Bela at JC na siguradong mas magpapa-level up sa kanilang pagiging drama actors.
Gustung-gusto namin ang eksena sa bandang ending ng pelikula kung saan nagmamakaawa na si Lani kay Kai na huwag siyang iwan at handa siyang gawin ang lahat para maayos ang kanyang sariling buhay. Feel na feel namin ang sakit na nararamdaman ni Lani sa breakdown scene na yun ni Bela.
Tama nga si Direk Jason Paul nang sabihin niya na mas lalo pang gumaling sina Bela at JC ngayon at mas tumindi pa ang chemistry nila sa big screen.
Naaliw din kami sa paggamit ng Baybayin sa movie na naging effective na “gamot” sa pagmu-move on ni Kai. Sabi nga ng mga nakapanood ng “TDAV” parang gusto na rin nilang mag-aral ng Baybayin para magamit ito kapag nabigo rin sila sa pag-ibig at kailangan na nilang mag-move on.
Sabi ni Bela nahirapan siya sa pag-aaral ng Baybayin pero aniya ang sarap daw sa feeling na natutunan niya ito dahil sa “TDAV”, “It should be something that we learn kasi it’s part of our culture, it’s part of who we are. Sana the movie will help out in that sense as well.”
May bonus pa ang movie para sa lahat ng mga Pinoy na mahilig mag-travel dahil ililibot din kayo nina Bela at JC sa magagandang lugar sa Hawaii.
Palabas na ngayon ang “The Day After Valentine’s” sa mga sinehan nationwide bilang bahagi ng 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino.