MAGKAAWAY man noong katatapos na halalan ang Team PNoy at United Nationalist Alliance, mas pinili pa rin ng UNA na makialyado sa majority bloc sa Kamara.
Lahat ng nanalong UNA members sa Kamara, maliban kay Navotas Rep. Toby Tiangco, na magi-independent, ay sasama kay Quezon City Rep. Sonny Belmonte, na siyang itinutulak na muling maging speaker ng Kamara.
Ang Nationalist Peoples Coalition, National Unity Party at Nacionalista Party ay muling sasama sa liderato ni Belmonte.
Ang matitira ay ang mga miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats ni dating Pangulo at reelected Pampanga Rep. Gloria Arroyo at malamang si San Juan Rep. Ronaldo Zamora na tatakbo sa speakership race.
Ang mga matatalo sa eleksyon ng speaker ay otomatikong magiging miyembro ng minorya kung dalawa lang silang maglalaban.
Bagamat sasama sa majority bloc na magpapasa ng mga panukalang batas na hihingin ng Malacanang, ang tanong ay kung hanggang kailan ang setup nilang ganito.
Marami ang pumoporma na tatakbo sa pampanguluhan sa 2016 at hindi natin alam kung gaano pa kapopular sa panahong iyon si Pangulong Aquino.
Kung popular pa si Aquino bago ang eleks-yon, marahil ay mahirapan ang marami na kumalas sa kanya. Pero kung hindi, “abandon ship” malamang ang maging motto ng mga ito.
Sa 2015, inaasahan na ang gagawing pagtalon ng mga pulitiko sa mga barko ng mga kakandidato sa presidential polls.
Kung ang sitwasyon ngayon ang titingnan, maaaring tumakbo sa pagkapangulo sina Sen. Francis Escudero, Sen. Bong Revilla, Sen. Bongbong Marcos, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Alan Peter Cayetano, at siyempre si Vice President
Jejomar Binay.
Pero siyempre hindi natin maaaring kalimutan ang mga pangalan nina Sen. Grace Poe at ang last termer na si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto.
Mukhang duda si Quezon City Rep. Winston Castelo sa mga gwardiya ng Kamara habang nasa loob sila ng nasabing building. Kaya tutol siya sa gun ban.
Sabi niya, hindi maiaalis na magdala ng kanilang mga baril ang mga kongresista at bodyguard nito lalo kung marami silang kaaway.
Editor: Para sa komento, reaksyon at meron kayong nais idulog na reklamo sa Tropang Bandera, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.