HINDI na bago ang balitang may bibitayin sa China dahil sa pagpupuslit ng droga.
Paglilinaw lang, hindi sila mga OFW na nagtutungo sa abroad upang magtrabaho roon. Bumibiyahe sila bilang bilang mga turista na may dalang droga at binabayaran sila ng malaking halaga kapalit ng kanilang serbisyo.
Hindi talaga nadadala ang ating mga kababayan na pasukin ang ilegal na gawaing tulad nito kapalit ng pera. Wala nang pinipili, mapa-babae o mapa-lalaki.
Ngayon mas marami pa ngang mga babae ang tinatawag na drug mule. Kaya naman, ang mga airport sa ibayong dagat, lalo na sa China, bantay-sarado kapag Pilipina ang nakatakdang pumasok sa kanilang bansa. Mainit sila sa mga kababaihan natin. Dahil Pinay nga naman ang mas madalas na gamitin ng mga sindikatong ito ng droga.
Bakit nga ba mas malakas ang loob ng mga kababaihan ngayon kung ikukumpara noong unang panahon? Wala na ang mga dating konserbatibo, at ngayon ay kayang-kaya nang makipag-sabayan sa mga ilegal na gawain gaya nang pagpupuslit ng droga, illegal recruitment, human trafficking o human smuggling.
Talagang kinakarir nila ito. Pinag-aaralan nang husto at pinaghuhusayan pa nga. Nandiyan na nagagawa nilang magmukhang mga kagalang-galang, at disenteng mga professional o negosyante. Iyan ay dahil malaking pera ang nakataya sa bawat biyahe, sa bawat transaksyon.
Hindi natatakot sa kabila ng mabigat na kaparusahang kamatayan. Sa kabila nito ay nagpapatuloy at dumarami pa nga ang mga Pilipinong nasasangkot sa pagpupuslit ng droga.
Ang paulit-ulit na paggawa nito ay nanga-ngahulugan din ng paulit-ulit na pakikiusap ng pamahalaan.
Mismong sina Pangulong Aquino at Vice President Jejomar Binay ang nakikiusap o nagmamakaawa pa ngang pagkalooban pa sana ng kapatawaran o amnestiya ang mga Pilipinong nahahatulan ng kamatayan.
Kahit ayaw man gawin ng iba na iapela ang ganitong mga kaso, puwersado ang gobyerno na makiusap dahil naging kalakaran na nga ito.
Pero bakit nga ba kailangan pang i-apela gayong ang katotohanan ay wala namang pinagbibigyan ang China? Kahit pa ang mga nasentensiyang British at Japanese nationals hindi pinatatawad. Walang lahi silang pinipili. Nakiusap din ang mga opisyal ng pamahalaan nila ngunit balewala lamang iyon.
At kahit pa alam din ng ating pamahalaan na hindi sila mapagbibigyan, pipilitin pa rin nilang humingi ng awa para sa mga nagkasala upang hindi sila ang pagbuntunan ng galit at paninisi ng taumbayan na wala silang ginawa para sa kababayan.
Alam naman natin ang dila ng ilang iresponsable nating mga kababayan, napakabilis mamuna na tila baga hawak nila ang solusyon sa bawat problema.
Iba naman ang hiyaw ng lehitimong mga OFW. Para sa kanila, hindi anya dapat inihihingi ng kapatawaran ang mga Pinoy drug mules.
Sinasadya nilang lumabag sa batas dahil sa matinding kasakiman at katamaran.
Ayaw nilang magbanat ng buto. Dahil sa halip na maghanap-buhay nang tapat, magsakripisyo at paghirapan ang bawat trabaho sa abroad, pinipili nila ang mas malaking kita kahit ilegal, pero hindi kasing hirap ng trabaho ng isang OFW.
Tanong nila, bakit nga naman kailangang ipagmakaawa pa ito ng pamahalaan? Isang malaking insulto naman anya ito sa tulad nilang masisisipag na mga Pilipinong nagtitiis sa kakarampot na kita sa abroad ngunit marangal naman at talagang pinaghihirapan iyon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com