MARAMING nagtataka kung saan nakuha ang titulo ng pelikula nina Sue Ramirez at Jameson Blake na “Ang Babaeng Allergic Sa Wifi” sa direksyon ni Jun Robles Lana under Cignal Entertainment, Octobertrain at IdeaFirst.
Isa ito sa mga entry sa 2018 Pista Ng Pelikulang Pilipino na mapapanood na simula sa Agosto 15 nationwide.
Ang paliwanag ni direk Jun sa tanong kung totoong may taong allergic sa wifi, “Base po sa article na nabasa ko a few years back about this British guy who self-diagnosed himself being allergic to wifi. Self-diagnosed kasi hindi naman medically recognized.
“He found out that the reason kaya siya nagkakasakit is allergic siya sa electro magnetic waves. He has no choice but to leave his family, mga kaibigan niya. Umalis siya sa city at nagpakalayo-layo.
“Naintriga ako sa idea na what happens to teenagers nowadays na masyadong dependent sa technology. And a girl for example is suddenly forced herself to isolate and to disconnect at kung anong mangyayari sa kanya,” ayon pa kay Direk Jun.
At dahil sobrang advanced na nga ng technology ngayon kaya natanong si Sue kung ano ang mas gusto niyang panahon noong noong araw o ngayong madali na ang kuneksyon dahil sa internet.
“Ako po siguro ang masasabi kong nakakatuwa na may ganitong eksena sa movie, ngayon po kasi ang dali-dali na lang mag-connect sa mga tao dahil sa Skype na madali mong makita.
“Pero sa pelikulang ito, malayo yung character kong si Norma sa katotohanan, malayo siya sa city. Ilang oras bago mo marating pero nag-e-effort ‘yung mga taong nagmamahal sa kanya na puntahan siya para makita kahit malayo ‘yung dina-drive nila.
“Another thing is ‘yung sumusulat ng letters, kasi ngayon po, idi-DM (direct message) ka lang ng may crush sa ‘yo. Noon kasi talagang ime-mail, pupunta ka ng post office, maghihintay ka ng matagal bago matanggap ‘yung sulat. Tapos pag natanggap mo, sobrang fulfilling ang pakiramdam na siyempre gustung-gusto mo na nagre-reply ka kaya susulat ka rin at pupunta sa post office.
“Kumbaga mas may effort ang mga tao before kaysa ngayon na ang dali na lang. Mas maganda ‘yung may effort for me,” paliwanag ng aktres.
Maging si direk Jun ay mas gusto ang nagsusulat ng love letters kaya ipinakita niya sa pelikula na nagsusulat ng liham ang mga bida dahil effort daw iyon. Sa madaling salita nagbalik-tanaw ang pelikula kung paano ang ligawan dati kung saan papasok ang karakter ni Ms. Boots Anson Rosa na laging ikinukuwento kung paano ang magmahal noong araw ang isang taong in love.
Sabi pa ni direk Jun, “Ipinakita rito sa pelikula na sa mga gustong manligaw kay Sue ay kailangan mong bumiyahe ng six hours, effort ‘yun kasi dito mo makikita kung pursigido talaga ‘yung tao sa pagmamahal niya.”
q q q
Sa usapin naman ng pagiging allergic, natanong si Sue kung saan at anong bagay siya allergic at bakit.
“Wala po akong allergy physically, wala pong anything. Siguro allergic lang po ako sa bashers, lahat naman tayo allergic sa haters. Allergic din po ako sa sinungaling,” sagot ng aktres.
Para naman kay direk Jun, “Allergic ako sa set talaga, allergic ako sa mga unprofessional, allergic ako sa mga late, ‘yun lang naman po otherwise magkakasundo tayo. Pero pag unprofessional medyo magiging allergic sila sa akin.”
Ito naman ang sagot ng veteran actress na si Ms. Boots, “In terms of allergies to some other people, there are some habits of other people that keep me uncomfortable pero pinapadaan ko lang, eh. Kasi bakit ko pa pahihirapan ang sarili ko para pagkaabalahan pa.
“Naalala ko ‘yung ikinukuwento ng aking father in law na si Sen. Soc Rodrigo na ipinasa akin ni Atty. Rodrigo, my husband na madalas hindi tayo makatulog, hindi tayo mapakali dahil may inis o kinapipikunan and yet ironically, ‘yung taong ‘yun na kinaiinisan o kinapipikunan natin ay walang kamalay-malay na ganu’n ang attitude natin.
“Dahil siya ay ang himbing ng tulog samantalang tayo ay hindi makatulog because of our inis. Sa madaling sabi, talo ang pikon kaya huwag tayong magpatalo sa little allergies,” kuwento ng aktres.
Oo nga naman, sakto ang titulong “Ang Babaeng Allergic Sa Wifi” sa panahon ngayon, lalo na sa mga taong walang magawang mabuti sa kapwa nila.
Pero sa kabilang banda ay ibabalik tayo ng kuwento ng pelikula sa nakaraan na dapat panoorin ng millennials para malaman nila na mas magaan at simple ang buhay noon kaysa ngayon na masyadong kumplikado.
Anyway, bukod kina Sue, Jameson at Ms. Boots, kasama rin sa pelikula sina Markus Paterson, Yayo Aguila, Kiko Matos, Lee O’Brian, Adrianna So at Angeli Sanoy.