Batang Gilas bigong makausad sa FIBA Under-18 Asian Championship finals

 

Photo from fiba.basketball

BIGO ang Batang Gilas Pilipinas na makatuntong man lang sa finals matapos na malasap ang unang kabiguan sa kamay ng mahigpit na karibal na Australia, 77-43, sa semifinals ng 2018 FIBA Under-18 Asian Championship Biyernes ng gabi sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.

Hindi man lamang nakahawak sa abante ang Batang Gilas matapos na agad maghabol sa pagsisimula ng laro at malimitihan sa tigwalong puntos lamang sa ikalawa at ikatlong yugto upang mabitawan ang tsansa sa korona at mahulog sa labanan para sa ikatlong puwesto na lamang.

Makakasagupa ng Batang Gilas para sa third place ang China, na una nitong tinalo sa Group B.

Makakasagupa ng Australia sa finals ang New Zealand na pinataob ang China, 87-82, sa semifinal round.

Pinalobo ng Australia ang abante sa pinakamalaking 41 puntos, 70-29, may 6:37 pa ang nalalabi sa laro.

Tanging si Ariel John Edu lamang ang nasandigan ng Batang Gilas sa itinala nitong team high siyam na puntos dagdag pa ang 10 rebounds at tatlong blocks. Nag-ambag naman si Gerry Austin Abadiano ng walong puntos para sa Batang Gilas na nakakasiguro na sa pagtatala ng best finish nito sa torneyo.

Nanguna si Samson Froling para sa Australia sa itinalang 12 puntos habang sina Kody Stattmann at Callum Dalton ay nag-ambag ng tig-10 puntos.

Noong 2016 ay nagtapos sa ikapitong puwesto ang Pilipinas dito.

Nalimitahan naman ang 7-footer na si Kai Sotto sa dalawang puntos lamang bukod pa sa walong rebound at dalawang assist para sa Pilipinas.

Nagtapos ang unang hati sa iskor na 44-20 at hindi na nakalapit pa ang Batang Gilas.

Gayunpaman, nakakuha pa rin ng puwesto ang Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup Under-19 Championship kasama ng China, Australia at New Zealand.

Magugunitang nauwi sa suntukan at gulo ang laro ng Pilipinas at Australia noong Hulyo 2 sa Philippine Arena para sa FIBA World Cup Asian Qualifier.

Wala namang girian o initan na nangyari sa laro sa pagitan ng dalawang koponan Biyernes ng gabi sa Thailand.

Read more...