NABIGLA si Ai Ai delas Alas sa sinabi ng direktor niyang si Louie Ignacio na hindi siya nagpabayad ng kanyang talent fee sa pelikula nilang “School Service” sa gala night nito sa CCP Main Theater last Sunday.
“Naku, Direk! Bakit mo sinabi ‘yun? Baka may kumuha na naman sa akin na walang talent fee,” bulalas ni Ai Ai.
Ganyan naman talaga ang komedyana, napaka-generous. Kapag merong nag-alok sa kanya na isang proyekto at sobrang nagustuhan nya, kahit walang pay ay tinatanggap niya.
Pero syempre, alam naman natin na isa si Ai Ai sa mga producer ng “School Service” under BG Films bukod kina Direk Louie at Madame Baby.
q q q
Nag-eenjoy sa kanyang married life ang Kapuso star na si Arthur Solinap sa piling ng misis niya at dating Sexbomb Dancer na si Rochelle Pangilinan.
“Masaya at masarap,” sabi ni Arthur.
Nakausap namin ang aktor sa media launch ng ikalawang Pista Ng Pelikulang Pilipino Special Feature Section kung saan kasama ang movie nila na “High Tide.”
“Ano kami, e, nag-eenjoy. Para lang kaming naglalaro ni Rochelle. Tsaka eto pala. Last time, may party, e. Hinatid ko siya sa bahay. Uwi na dapat ako, ‘Ay, asawa na pala kita!’ Ha-hahaha. Tsaka masaya ‘yung nagluluto kami, naglilinis ng bahay, talagang bond, ine-enjoy pa namin (ang buhay magasawa),” kwento pa niya.
Ipinagbabaon din daw siya ni Rochelle ng pagkain sa taping niya. Mahilig daw mag-bake ang kanyang misis kaya kahit nagda-diet si Arthur kailangan niyang kainin ang pabaon ng misis niya. Or else, magtatampo raw sa kanya si Rochelle.
Bukod sa nakakahiligan ni Rochelle ang pagluluto ngayon, adik din daw ang misis niya sa paglililnis ng bahay.
“Kapag sinumulan niya, tuluy-tuloy ‘yan. Ako sabi ko, dapat eto lang muna. Siya kasi sobrang sipag, e. Ako naman, kapag minsan maliligo, ‘yung towel iiwan sa kama. Ayaw na ayaw niya ‘yun, nagkaka-mark ng basa. Kasi ako siyempre lalaki ako, mamaya ko na kukunin after ko magbihis. Masyado siyang metikuluso,” kuwento pa ng aktor.
Nararamdaman na raw ni Rochelle na may katuwang siya sa buhay ngayon. Si Arthur na kasi ang gumagawa ng mga ginagawa ni Rochelle noon.
“Dati kasi siya (lahat). Kahit maglinis ng kotse. Ayaw niyang pinapa-carwash. Siya talaga ang naglilinis. Kasi para sa kanya exercise rin. Sobrang ano ‘yun, sipag, buong araw, ganoon. Tapos ako naman, ‘yung may taga-prepare na.”
Gusto na nilang pareho na magkaroon ng baby. Kaya lang, may problema.
“This year sana, kaso lang, may soap opera siya, e. Siguro kapag-pa-end ng soap. Mag-i-start pa lang mag-air ‘yung soap nila, ‘yung Onanay. Nag-commit siya na gagawin niya ‘to, ‘di ba?
Siguro mga kalagitnaan pwede na. Naiintindihan naman ng GMA, e. Tsaka sabi naman ng network walang problema. Kumbaga, ‘wag kayong mag-worry,” lahad pa niya.
Kaya hinay-hinay lang daw muna sila ni Rochelle sa paggawa ng baby, “Mabilis din kasi siyang mabuntis kasi sabi ng doktor. Isang try lang sabi sa kanya. Wala kaming ginagamit na pang-control. Ingat-ingat lang. Ha-hahaha!”
Kung si Arthur daw ang masusunod gusto niya na lalaki ang maging firstborn nila ni Rochelle, “Lumaki kasi ako sa Dad ko na tinuturuan niya ako sa farm, mag-basketball. Gusto ko may ka-buddy-buddy.”
Natuwa naman si Arthur na muling mapapalabas sa mga sinehan ang “High Tide” at napasabay pa sa PPP na mapapanood sa mga sinehan ng malalaking SM Malls, Gateway at Robinson’s Galleria na magsisimula sa Agosto 15 hanggang 22.
“Nu’ng nanalo kami sa ToFARM as Best Picture, marami ang gustong manood. Kaso lang, konti na lang ‘yung days. Buti na lang may ganito at may chance ulit na mapanood ng mga tao.
“Kasi ‘yung family ko hindi pa nakapanood last year. At least, may time pa to promote at mas marami pa ang makakapanood,” dagdag pa ni Arthur.
So, there. Go na sa mga sinehan at samantalahin ang pagkakataon na mapanood ang mga de-kalidad na mga pelikulang local during the 2nd PPP na proyekto ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Dino.