Arci pinagbawalan ang bf na bumili ng isang t-shirt sa halagang P50k

PAGKATAPOS ng finale-thanksgiving presscon ng Since I Found You ay nakausap namin si Arci Muñoz tungkol sa kanyang personal na buhay.

Inamin kasi ng dalaga na ang mga karakter nila ni Piolo Pascual bilang Nathan at Dani sa SIFY ay parang sila talaga ng kanyang non-showbiz boyfriend.

“Seryoso kasing tao ‘yun, simple at boring. Ha-hahaha! Ako ‘yung side na pinasasaya siya, ganyan,” sabi ng dalaga.

Hindi pa masabi ni Arci kung patungo na sa kasalan ang relasyon nila ng boyfriend dahil hindi pa nila ito napag-uusapan at hindi pa rin naman daw siya handa dahil marami pa siyang pangarap para sa kanyang career.

Pero aniya tungkol sa kanyang BF, “Siya na ang destiny ko kasi hindi naman ako pumapasok sa isang relasyon nang basta-basta.”

Ang dahilan kung bakit hindi pa handa si Arci na magpakasal, “Alam naman po niya ‘yun (boyfriend), sabi ko gusto ko pang maging rockstar, gusto kong mag-tour abroad kasama ang banda ko, ayaw ko rito sa Philippines kasi hindi naman nila maa-appreciate ang heavy metal (uri ng musika niya) lalo na ng mga kabataan ngayon, wow feeling ko ang tanda ko na!” sabay tawa ng dalaga.

“Hindi kasi ako ‘yung tipo na magbabago para sa panlasa (manonood) nila. E, ganito kami, eh,” katwiran ni Arci.

Inamin din ng dalaga na ang tatlong ex-boyfriend niya ay puro rakista at itong huli lang ang hindi na isang negosyante. Natatawang kuwento pa ng aktres, “Kapag may nakakapanood nga po sa gig namin, nagugulat sila sa akin kasi iba itsura ko.”

Walang album ang banda ni Arci, pero may mga show sila online like sa iTunes. Maraming beses na raw inalok ang dalaga na maglabas ng album pero tinatanggihan niya, “Ayaw ko po, gusto ko independent kami, ayaw ko nang nako-control ako, gusto ko art. Iba kasi music namin, so kapag may nag-offer tinatanong ko kung okay sa kanila ‘yung music namin kasi sabi ko, hindi kami magbabago. May mga gusto na gawing konting pop, ayaw ko.

“Sabi nga ni tito Martin (Nievera) nu’ng nag-Dubai kami, ‘You can sing, you should make your own album (nag-make face). Ayaw ko!” tigas ng tanggi ng dalaga.

Tinanong namin kung ano ang masasabi niya sa mga usong genre ng music ngayon na mataas ang benta. Natawa kami sa reaksyon ng aktres na hindi na namin babanggitin dahil nakatitiyak kami na hindi ito magugustuhan ng mga singer na hindi type ang heavy metal.

Ang mga local band na gusto ni Arci ay ang, “Sugarfree, Itchyworms kung sa tugtugan. Lahat naman po naa-appreciate ko, iba lang talaga ang gusto. Bata pa ako nanonood na ako ng Muziklaban.”

q q q

Ipinagmalaki naman ni Arci na walang bisyo ang grupo nila dahil siya mismo ang nagbabawal sa kanyang mga kamiyembro, kabilang na ang pagyoyosi.

“Sabi ko sa kanila kung gusto nilang magyosi wag sa workplace namin, kasi ayaw ko ng amoy yosi. Saka hindi kami lumalabas, sa mga bahay-bahay lang kami, chill lang. Hindi naman maiiwasan ang inuman, pero hindi ‘yung to the max na lupaypay na,” kuwento ni Arci.

Sa tanong namin kung tanggap ng boyfriend niya ang uri ng musikang hilig niya, “Naku ano po ‘yun, Intsik na Eggoy. Kanye West ‘yun. Pag pumorma maka-Korean pero hindi siya nakikinig (ng Korean songs),” paglalarawan ni Arci kay boyfie.

Binanggit namin na kapag naka-shades ay mala-Lee Min Ho ang dating ng guy, “Weehh, di nga? Ako ang stylist niya, naiinis na nga kasi pinapalitan ko na ‘yung wardrobe niya.

“Pag nagsa-shopping po kami kasi ‘yun lang ang happiness niya. Sa ibang bansa nagsa-shopping at talagang pinipigilan ko ‘yung mga binibili kasi hindi naman tama, imagine shirt lang worth 50K? Sabi ko, sayang pera, hindi naman worth it.

“Kuripot kasi ako, hindi ako mahilig sa branded at hindi ako mahilig magpabili, gusto ko ako bumibili, pero kung may nagbigay kapag may okasyon okay sa akin,” aniya pa.

Samantala, sa pagtatapos ng Since I Found You ngayong gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN ay ikinasal sina Arci at Piolo at nabanggit ng aktres na ikalimang beses na niya itong “pagpapakasal.”

Talagang napaiyak daw siya sa taping dahil, “Sobrang na-feel ko at saka nag-flashback po sa akin lahat na, ‘syet tapos na kami, tapos na talaga kami.’ Yung ganu’ng feeling.”

Read more...