PATULOY pa rin sa pagla-lobby sa Malacanang ng isang negosyante para mabigyan siya ng pwesto sa pamahalaan.
Sinabi ng ating Cricket na gusto ni Mr. Businessman na mabigyan siya ng pwesto bilang isang presidential adviser.
Ang kanyang padrino sa Palasyo ay isang matandang singer na naghahangad din na mabiyayaan ng posisyon bilang Cabinet secretary.
Pero magulang itong matandang singer dahil siya ang mas nakikinabang sa nasabing friendship.
Bukod sa nabiyayaan ng pwesto para sa kanyang libreng show ay meron na itong programa sa isang himpilan ng radyo courtesy of Mr. Businessman.
Habang si Singer ay panay ang kabig sa kanilang pagkakaibigan ay nananatili namang nganga itong si Mr. Businessman.
Bagito sa pakikihalubilo sa publiko ang bida sa ating kwento na hindi katulad ng kanyang namayapang ama na mahusay an PR.
Saka lamang natutong bumaba sa kanyang trono at mag-reach out sa iba’t ibang sektor si Sir nang mamatay ang kanilang ama na itinuturing na kingpin sa kanilang business empire.
Mula sa isang mahirap na angkan ang kanyang ama pero dahil sa pagsisikap at diskarte ay nagawa nitong maitaguyod ang maraming uri ng negosyo na kanyang pinasok.
Maswerte ang kanyang mga anak dahil well-established na ang mga negosyo nang ito ay kanilang manahin mula sa namayapang ama.
Ngayong sila na ang may hawak ng kabuhayan ay kailangan nilang kausapin ang iba’t ibang sektor para mapanatili ang tatag ng kanilang mga kumpanya.
Ito rin daw ang dahilan kaya gusto ni Mr. Businessman na makadikit sa Pangulo para mas lalong lumawak ang kanilang impluwensiya sa negosyo pero ang problema hanggang ngayon ay dedma siya ni Digong.
Ang negosyante na gustong makapwesto sa pamahalaan ay si Mr. E…as in Ewan.
Ang mapagsamantalang matandang singer naman ay si Mr. F….as in Free.