NASIGURO ng Chooks-to-Go Batang Gilas Pilipinas ang isa sa apat na silya sa 2019 FIBA World Cup Under-19 sa pagbigo nito sa Bahrain, 67-52, sa quarterfinals ng 2018 FIBA Under-18 Asian Championship Huwebes ng hapon sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.
Gayunman, bahagyang kinabahan ang Batang Gilas, na pinutol ang 39 taon na hindi makatuntong sa FIBA World Cup Under-19, sa ikalawang yugto matapos na umarangkada ang mga Bahrainis.
Unang humarurot ang Batang Gilas sa simula ng laban matapos na maghabol sa 6-7 iskor ay naghulog ito ng 14-0 bomba upang agawin ang abante sa 20-7 bago tinapos ang yugto sa 20-11.
Nagawa pa nitong itala ang unang pinakamalaking abante sa 26-13 mula sa basket ni Ariel John Edu, may 7:24 sa ikalawang yugto bago na lamang nagulantang matapos na hindi na paiskorin sa sumunod na mga huling minuto mula sa matinding pagbalikwas ng mga Bahrainis.
Apat na tres ang pinakawalan ng mga Bahrainis sa matinding 21-0 bomba sa huling pitong minuto upang agawin ang bentahe sa Pilipinas sa pagtatapos ng ikalawang yugto sa 34-26, habang nilimitahan lamang nito ang Batang Gilas sa kabuuang walong puntos.
Hindi naman napigilan ang Batang Gilas sa ikatlong yugto matapos nitong ihulog ang 15-2 bomba sa unang anim na minuto tampok ang isang tres ni Miguel Andre Oczon para itulak ang koponan sa 41-36 abante. Huli pang naitabla ng Bahrain ang laban sa 43-all bago natapos ang ikatlong yugto sa 48-45 abante ang Batang Gilas.
Inihulog ng Batang Gilas ang 15-2 bomba sa ikaapat na yugto na tinampukan ng ilang alley-oop dunk ni Kai Sotto upang muling gulantangin ang pumangatlo sa kanilang grupo na Bahrain. Tanging pitong puntos lamang ang naipasok ng Bahrain sa ikaapat na yugto.
Pinangunahan ni Sotto ang Batang Gilas sa tinipon na 21 puntos, 10 rebound, 3 assist at 3 block habang tumulong si Edu na may 16 puntos, 17 rebound, 3 assist, 2 steal at 2 block. Nag-ambag si Oczon ng 10 puntos, 2 rebound at 2 assist habang si Dalph Panopio ay may 4 puntos, 4 rebound, 8 assist at 1 steal.
Sasagupain ng Batang Gilas ang magwawagi naman sa pagitan ng Australia at Japan sa semifinals.
Samantala, sigurado nang may bagong tatanghaling kampeon sa FIBA Under-18 Asian Championship matapos na mabigo ang defending champion Iran sa quarterfinals sa nakatapat nitong New Zealand, 87-72. Ang panalo ay nagtulak sa New Zealand sa ikalawang sunod na pagtuntong nito sa FIBA Under-19 World Championship.