Grand Slam bid ng San Miguel Beermen nanganganib

NANGANGANIB na maglahong parang bula ang asam na ikalawang grand slam ng PBA Commissioner’s Cup defending champion San Miguel Beer.

Ito ay matapos matalo ang Beermen sa kontrobersiyal na Game Five ng PBA Commissioner’s Cup Finals at maungusan ng Barangay Ginebra, 3-2, sa kanilang best-of-seven series.

Inalmahan ni San Miguel coach Leo Austria ang mga ‘walang tawag’ ng mga referee sa krusyal na punto ng laban.

“Gusto namin ipakita sa PBA office ang mga missed calls at non-calls para ma-review tulad ng mga out of bounds calls at travelling calls,” sabi ni Austria matapos na malasap ang 83-87 kabiguan sa Game Five.

Inireklamo ni Austria ang tatlong insidente kung saan naganap ang mga kuwestiyonableng tawag pati na rin ang hindi pagtawag ng mga referee sa huling minuto na pumabor lahat sa panig ng Gin Kings.

Dagdag pa ni Austria, magpapadala ang kanyang koponan ng mga video clip sa PBA Office.

Kinuwestiyon ni Austria ang out of bounds call na itinawag kay Arwind Santos habang nakikipag-agawan kay Ginebra guard Scottie Thompson sa bola may 53.8 segundo na lang ang nalalabi sa laro.

Ipinaliwanag ni Austria na si Thompson ay “stepping out of bounds” habang si Santos ay “clearly inbounds” matapos nitong makuha ang rebound mula sa missed free throw ni June Mar Fajardo.

Bago pa ang nasabing sitwasyon kung saan tinawagan si Santos ng turnover ay may ilan pang sitwasyon na hindi natawag tulad kay Ginebra center Greg Slaughter habang nabangga nito ang import na si Renaldo Balkman.

Unang nakapagtala ng grand slam ang San Miguel Beer noong 1989 habang hawak ni coach Norman Black.

Sa kasaysayan ng PBA, unang nakawalis ng tatlong korona sa isang season ang Crispa Redmanizers noong 1976 sa ilalim ni Virgilio “Baby” Dalupan bago nasundan noong 1983 sa pamumuno naman ni Tommy Manotoc.

Ang Alaska, na minanduhan noon ni Tim Cone, ang ikatlong koponan na nagsagawa ng grand slam noong 1996 at ang ikaapat ay ang San Mig Coffee noong 2014 na minanduhan din noon ni Cone.
Si Tim Cone ang kasalukuyang head coach ng Barangay Ginebra.

Magugunitang noong isang taon ay nagkampeon ang San Miguel sa unang dalawang conference ng liga ngunit pinutol ng Ginebra ang asinta nitong grand slam nang biguin ng Gin Kings ang Beermen sa 2017 Governors’ Cup semifinals.

Ang Game Six ng 2018 Commissioner’s Cup Finals ay gaganapin ngayong Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena kung saan target ng San Miguel na itabla ang serye kontra Ginebra sa 3-all.

Read more...