Batang Gilas dinurog ang UAE sa FIBA Asia U18

FIBA.COM

Laro sa Martes, Agosto 7
(Nonthaburi, Thailand)
6:45 p.m. Philippines vs China
NAKUHA ng Batang Gilas Pilipinas ang ikalawang sunod na panalo matapos durugin ang United Arab Emirates, 92-49, sa FIBA Under-18 Asian Championship Lunes ng gabi sa Bangkok Thai-Japan Youth Center sa Bangkok City, Thailand.

Pinangunahan ni Ariel John Edu ang Batang Gilas sa itinalang 16 puntos habang nagdagdag ang 7-foot-2 na si Kai Zachary Sotto ng 14 puntos.

Nag-ambag naman sina Rhayyan Amsali at Xyrus Dane Torres ng 13 at 12 puntos para sa Batang Gilas.
Sinimulan ng Batang Gilas ang kampanya sa impresibong panalo kontra Lebanon, 75-53, Linggo ng gabi.

Kasalukuyang nasa unang puwesto sa Group B ang Batang Gilas katabla ang China na parehong may 2-0 record.

Tinalo ng China ang Lebanon, 100-52, Lunes ng hapon.

Masusubok ang katatagan ng Batang Gilas sa pagsagupa nito sa China ngayong gabi.

Ang mananalo sa labang ito ang mangunguna sa Group B at awtomatikong papasok sa quarterfinals.
Ang matatalo naman ay dadaan sa playoff kasama ang third place team sa grupo.

Ganap na alas-6:45 ng gabi sasagupain ng Batang Gilas ang 11-time champion na China.

May 2-0 record din ang Japan at Iran sa Group A gayundin ang Australia at New Zealand sa Group C pati ang Korea at Taiwan sa Group D.

Read more...