Salamat, Ambassador Kenney

Ambassador Kenney

SA kanyang nalalabing 10 araw sa bansa, mag-iikot si US Ambassador Kristie Kenney para personal na magpasalamat sa mga opisyal ng gobyerno at mga kaibigan sa kanilang mainit na pagtanggap sa kanya. Maraming salamat din, Ambassador Kenney. Maaaring hindi tanyag si Ambassador Kenney sa Metro Manila (siya ang unang banyaga at ambassador pa ng pinakamalakas na bansa sa mundo na sumaklolo sa nagugutom na mga biktima ng Ondoy dalawang araw pagkatapos manalasa ito sa Barangay Tatalon, Quezon City), pero sa kanayunan, sa mga liblib na barangay sa Basilan at Sulu, sa mga sakahan sa Southern Mindanao, sa mga obras publikas sa Caraga, kilalang-kilala ng mga residente, pati na ang mga bata, si Ambassador Kenney. Santambak ang magagaling at magigiting na politiko na mapagbalatkayong may nalalaman sa Mindanao at sa walang kalutasang suliranin nito, pero si Ambassador Kenney lamang, na kinatawan ng pangulo ng Estados Unidos, ang nakipagpulong kay Chairman Murad Ebrahim, ng Moro Islamic Liberation Front sa mismong base nito sa Camp Darapanan noong Peb. 2008. Hindi niya sinabing mali ang ipinaglalaban ng mga Muslim, pero sinuportahan niya ang pagsisikap ng administrasyong Arroyo sa pakikipagkasundo sa mga rebelde. Alam ni Ambassador Kenney ang kakulangan sa timog Mindanao. Kaya’t, kasama si World Bank country director Bert Hoffman, ibinigay niya ang grant agreement sa Bangsa Moro Mindanao Trust Fund Agency na nagkakahalaga ng $750,000. Patuloy na nasa itaas at di abot ng mahihirap ang magagaling at magigiting na politiko, na sa kabila ng napakalayong agwat ay pinasusuweldo pa ng taumbayan. Pinasusuweldo rin ng American taxpayers si Ambassador Kenney, pero bumababa siya sa kanyang trono at nakikisalamuha sa masa. Sa saliw ng kantang “Papaya,” klasikang 1970 awit ng Polish jazz vocalist na si Urszula Dudziak at sinaliwan ng indak ni Edu Manzano sa kanyang dating programang “Pilipinas, Game KNB?,” madaling nakibagay si Ambassador Kenney sa mahihirap na pinandidirihan ng mga politiko. At si Ambassador Kenney lamang ang binigyan ng Armed Forces ng testimonial parade, na karaniwang ibinibigay bilang pagkilala sa mga paretirong opisyal at paalis na head of state. “Nobody in this country, not even the MILF or the communist rebels, will contest the now common knowledge that Ambassador Kenney is the most popular and best-liked ambassador, American or otherwise, in Philippine history,” ani AFP chief Gen. Victor Ibrado sa kanyang talumpati sa seremonya.

BANDERA Editorial, 010610

Read more...