San Miguel Beer, Barangay Ginebra agawan sa 3-2 Finals lead

Laro Ngayon, Agosto 5
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra
Game One: Barangay Ginebra 127 San Miguel Beer 99
Game Two : San Miguel Beer 134 Barangay Ginebra 109
Game Three : San Miguel Beer 132 Barangay Ginebra 94
Game Four : Barangay Ginebra 130 San Miguel Beer 100

SADYANG hindi mapagtanto at maipaliwanag ni Barangay Ginebra Gin Kings coach Tim Cone ang mga kaganapan sa 2018 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series kaya hindi rin nito maisip ang magaganap sa krusyal na Game Five kontra San Miguel Beermen ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.

“What’s gonna happen in Game Five is anybody’s guess,” sabi ni Cone matapos itabla ng Gin Kings ang serye sa tigalawang panalo at mapaigsi ang serye sa best-of-three na lamang.

“I’m as shocked as everybody else with the series. That’s strange. It’s been strange. I have not seen one and have not been to one,” sabi ni Cone, na asam maitulak ang popular na koponan sa krusyal na 3-2 bentahe laban sa nagdedepensang kampeong Beermen.

“I think what happened was that, though they’re more than we are, we’ve got two explosive teams. If you allow one to have the momentum, it’s hard to break because they’re so good,” paliwanag ni Cone.

Kakaiba ang tinatahak na sitwasyon ng PBA Commissioner’s Cup finals dahil bagaman tabla ang iskor sa 2-all ay naging tambakan ang labanan sa unang apat na laro sa serye na may average winning margin na 30.25 puntos kada laro.

Agad na nag-apoy ang Ginebra sa pagsisimula pa lamang ng Game Four sa paghulog ng 17 diretsong puntos at hindi na nito binitiwan ang kalamangan upang ipalasap sa naghahangad sa makasaysayang ikalawang grand slam sa liga na San Miguel Beer ang 130-100 panalo upang itabla ang serye.

Pinatunayan ni Justin Brownlee na karapat-dapat siya sa pagkakapanalo nito bilang Best Import of the Conference sa halos pagtala ng triple-double sa kinolekta nito na 37 puntos, 11 rebound at pitong assist habang nag-ambag si Greg Slaughter ng 19 puntos at walong rebound at si Joe Devance ay may 17 puntos para sa Gin Kings.
Nagdagdag din si LA Tenorio matapos malimitahan sa limang puntos sa Game Three ng 17 puntos at anim na assist. Ipinasok nito ang 12 puntos sa first half kung saan nakalalamang na ang Gin Kings sa 67-52.
Nagawa rin ng Gin Kings na itala ang pinakamalaking abante sa kampeonato na 38 puntos
upang makabawi sa kahihiyang natamo sa Game Three kontra Beermen matapos na maghabol sa 40 puntos at malasap ang 38 puntos na pagkatalo sa Game Three.

Bahagya rin nagkainitan sa laro habang patungo sa kanilang dugout sa halftime sina Beermen import Renaldo Balkman at Devance na nagkatulakan paglabas sa court.

Inaasahang sasandigan ng Beermen si Arwind Santos na nagtala ng 22 puntos gayundin si June Mar Fajardo na may 15 puntos at 14 rebound matapos na mapanalunan ang kanyang ikapitong Best Player of the Conference award. Nagawa rin ni Fajardo na maabot ang pagiging miyembro ng 5,000-point club.

“It’s my turn to say coach Tim (Cone) nice bawi. And before this game, he kept on saying we’re too good, too strong for them, this game showed it’s not true,” sabi ni Beermen coach Leo Austria.

Read more...