Bela Padilla hindi pa naranasang makipag-date ng Valentine’s Day

SA NAKARAANG mediacon ng “The Day After Valentine’s” na balik-tambalan nina JC Santos at Bela Padilla ay sinabi ng dalawa na umaasa sila kasama na ang sumulat at nagdirek nito na Jason Paul Laxamana na sana’y manood uli ang mga sumuporta sa huli nilang proyekto na “100 Tula Para Kay Stella”.

Say ni JC, “Hiling naming tatlo rin (Bela at direk JP) na sana mahakot ulit namin ‘yung audience ng ‘100 Tula Para Kay Stella’ pero hindi pa rin po kami sigurado, eh. Tulad po ng nangyari sa amin last year na hindi rin namin alam na ganu’n ang kalalabasan.”

Dagdag naman ni direk Jason Paul, “Ang hirap pong mag-expect kasi hindi po kami nag-stick sa formula ng 100 Tula, we offered something different kaya hindi pa namin masabi. Pero sana manood din sila kasi we did our best for this movie.”

Ang kuwento ng “The Day After Valentine’s” ay tungkol sa babaeng nagkagusto sa lalaking kagagaling lang sa failed relationship at naging ka-close niya hanggang sa sila na ang laging magkasama, ngunit kailangang umiwas ng karakter ni Bela sa karakter ni JC.

Kuwento ni direk Jason Paul, “Kinuha ko po ‘yung ideya na kapag mahal ka ng guy, sa mismong Valentine’s Day kayo magkasama pero pag hindi, The Day After Valentine’s na lang. Makikita n’yo po ‘yan sa pelikula.”

Anyway, parehong loveless ang mga bida ng pelikula na sina JC at Bela kaya natanong sila kung posibleng magustuhan nila ang isa’t isa.

Natawa si JC sabay sabing, “Ang nadiskubre po namin sa isa’t isa ay para kaming pinagbiyak na bunga.”

Hirit naman ni Bela, “Para kaming kambal!”
Dagdag pa ni JC, “Marami po kaming similarities, kaya ang tawag ko po sa kanya ay short for kapatid, Tats.”

Ayon naman kay Bela, “Sa sobrang kumportable po namin sa isa’t isa parang bestfriends na po
kami.”

Kaya read between the lines ay mukhang imposibleng magustuhan nila ang isa’t isa.

At dahil tungkol sa Valentine’s Day ang kuwento ng pelikula ay natanong din sila kung naranasan na nila sa tunay na buhay ang mga karakter nila sa kuwento.

“Ako po personally hindi ko naranasan kasi lagi po akong may taping. Sa totoo lang, hindi pa ako nakapag-Valentine (date) sa totoong buhay. Nu’ng nakaraang Valentine’s Day, magkasama kami ni JC nagte-taping kami ng MMK sa Hongkong kaya natataon po pag Valentine, may trabaho ako,” natatawang kuwento ni Bela.

Sa 2017 Pista Ng Pelikulang Pilipino ay ang “100 Tula Para Kay Stella” ang nanguna sa takilya kaya naman muling ibinalik ng Viva Films ang tambalan nina JC at Bela sa ikalawang taon ng PPP.

Mapapanood na ang pelikula simula Agosto 15 sa mga sinehan nationwide.

q q q

Kung hindi pa present si Marion Aunor sa mediacon ng “The Day After Valentine’s” para awitin ang soundtrack ng pelikula (Akala) ay iisipin mong si Moira dela Torre ang kumanta nito dahil parehong-pareho sila ng timbre ng boses.

Nagulat nga ang lahat ng dumalo dahil parang si Moira raw ang naririnig nila. Sabi pa ng isa naming kasamahan sa panulat, “Pareho silang puro hangin ang boses.”

Si Marion ay nasa pangangalaga ng Viva Artist Agency, samantalang si Moira naman ay nasa Cornerstone.

Read more...