Alden hindi dapat magpaapekto sa rating ng Probinsyano

COCO MARTIN AT ALDEN RICHARDS

Hindi dapat malungkot si Alden Richards kung may mga nagkokomento man na inilampaso ng Ang Probinsyano ni Coco Martin ang kapapanganak pa lang niyang serye.

Sa halip na pakinggan ang mga miron ay mas magandang pagbutihin pa nila ang ikot ng kuwento ng Victor Magtanggol para makadikit sila sa labanan ng rating. Hindi na rin nakakahiya ang itinalang rating ng kanyang serye dahil hindi naman milya-milya ang layo ng agwat ng dalawang palabas.

May kaibigan naman kaming nag-aabang sa serye ni Alden na napakaagang bumitiw sa panonood. Dati’y palipat-lipat pa ito ng channel, pero ngayon ay talagang sa Ang Probinsyano na ito tumututok.

“Ayoko ‘yung mga out of this world na eksena, ang dami-dami nang mga ganu’ng palabas, although alam ko namang kailangan ‘yun sa kabuuan ng story dahil du’n magsisimula ang power ni Victor Magtanggol.

“Pero sa real life scenes pa rin ako, ayoko sa mga eksenang puro kababalaghan, kaya sa Ang Probinsyano na ako nag-stick ngayon. Du’n na lang, mas maganda ang labanan, mga totoong tao, hindi galing sa ibang mundo ang magkakaengkuwentro,” malinaw na komento ng aming kausap.

Read more...