Christian Bables kamukha na ni Alden, pero di raw nagparetoke

CHRISTIAN BABLES

PANSIN ng ilang members ng entertainment press, kahawig na ni Christian Bables ang Pambansang Bae na si Alden Richards.

Sa presscon ng “Signal Rock”, isa sa mga pelikulang kasali sa 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino na idinirek ni Chito Roño, natanong si Christian kung may ipinaretoke ba siya sa kanyang mukha.

Mariing itinanggi ng award-winning actor na may ipinabago siya sa kanyang mukha, partikular na ang kanyang ilong, Dati nang ganito ang ilong ko. Wala po talaga, wala po. Kumbaga, kung meron man akong gustong ipabago sa mukha ko, yung pimple scars. Kasi ang hirap niya talaga.

“Pero ngayon sa sarili ko, may nakita akong improvement sa ginagawa sa akin ng sponsor ko, hindi na kagaya before na as in sobrang…ngayon, kung meron akong guston ipa-enhance, ito,” sabay turo sa kanyang pisngi.

Ayon sa binata, medyo lumiit daw ang kanyang mukha kaya siguro mas lumitaw ang tangos ng kanyang ilong.

Tungkol naman sa pagkakahawig nila ni Alden, “Salamat!” ang namumulang sagot ni Christian.

Dugtong pa niya, “It’s the hair yata. Ayaw kasi ni Direk Chito na nakataas yung buhok ko, e. So, hindi na ako nagtaas.”

Wala naman daw siyang intensiyon na kopyahin ang itsura ni Alden, “Ako, I don’t intend to make gaya anyone. Ako ito, wala naman sigurong tao na gustong makumpara siya sa iba. Kumbaga, natutuwa ako kung may resemblance kami ni Alden. Napakapogi kaya ni Alden! Kung ma-compare kay Alden, maraming salamat.”

Samantala, bilib na bilib si Direk Chito sa galing ni Christian bilang aktor, hindi raw siya nagkamali na ito ang kunin niyang bida sa “Signal Rock”.

“Ang totoong kwento ng Signal Rock ay tungkol sa mga ordinaryong tao sa probinsiya na remote, mga taong lahat ng mga kasama nila nagsipag-abroad, ito ang place na iniiwan para makapagbigay ng suporta sa pamilya. Marami na tayong kuwento tungkol sa mga OFW, pero ito ang kwento ng mga taong napagiwanan sa probinsya, na kung tawagin ay bagtik,” kuwento ng award-winning at blockbuster director.

Kasama rin sa pelikula sina Mara Lopez, Francis Magundayao, Daria Ramirez, Arnold Reyes, Sue Prado, Keana Reeves, Mon Confiado, Ces Quesada at Lee O’Brian. Ito’y mula sa CSR Production at idi-distribute naman ng Regal Entertainment.

Mapapanood na ang “Signal Rock” mula Aug. 15 hanggang 21 sa mga sinehan bilang bahagi ng Pista ng Pelikulang Pilipino Film Festival 2018.

Read more...