PUNUMPUNO ng pasabog ang 15th anniversary concert ng Ultimate Biritero na si Jed Madela, ang “Higher Than Higher” na gaganapin sa Araneta Coliusem sa Nov. 16.
Inamin ni Jed na ngayon pa lang ay inaatake na siya ng nerbyos dahil nga first time niyang magko-concert sa Big Dome nang solo. Natural lang naman daw na kabahan siya dahil sa bonggang-bonggang concept at tema ng show.
“Grabe ‘yung line up ng production numbers, this is really big, kakaiba sa lahat ng nagawa kong concerts in the past. Dito paninindigan talaga namin ‘yung title na ‘Higher Than High.’
We will make sure na mula sa simula hanggang ending ng concert high na high sila!” promise ni Jed sa lahat ng manonood sa kanyang 15th anniversary concert nang makausap namin recently sa isang coffee shop.
Bukod sa kanyang very special guests, makakasama rin niya on stage ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra under the baton of Maestro Gerard Salonga at siyempre ang favorite rin niyang Philippine Madrigal Singers.
Natanong din namin ang Kapamilya singer at isa sa mga mentor ng mga celebrity contestants sa Your Face Sounds Familiar Kids tungkol sa estado ng kanyang puso, at game na game rin naman niya kaming sinagot.
“Matagal na akong walang lovelife, pero okay lang naman. Waiting pa rin for the right person. Ako kasi…it’s more of when the spark is there, kung may opportunity, then go. Pero ‘yung ma-pressure at makipagrelasyon dahil marami na ang kumukulit sa ‘yo, parang hindi naman tama,” sagot ni Jed.
“For now, wala pa talaga, tsaka ang daming trabaho, e,” aniya pa.
Sundot na tanong namin, hindi ba kulang ang buhay kapag walang lovelife? “Well, yung totoo, kulang talaga. Iba rin kasi ‘yung may nahuhugutan ka, yung may inspirasyon ka. Sino ba naman ang ayaw magkaroon ng someone special, di ba? Pero yun nga, naniniwala ako na darating din ang taong para sa iyo. It will arrive, it will come.”
Ano ang mas gusto niya, showbiz or non-showbiz? “Wala naman akong ganu’n, wala ka namang choice kung sino ‘yung darating, e. Basta naramdaman mo yung love, yun na yun. I just turned 41, but if ever mag-45 na ko tapos wala pa talaga, du’n na siguro ako mag-e-effort.”
Gusto rin daw niyang makapag-iwan ng legacy sa music industry sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili niyang music school, “Yes, plano ko talaga na magkaroon ng school to teach performing arts, hindi lang sa pagkanta but how to be a performer on stage, how to entertain, how to stand, how to move, ganun. Yun yung one of my ultimate goals. Siguro yung talent management, it will follow.
“Pero ako it’s more of a school muna, more of a performing arts class siguro. In the future siguro towards the end of the year baka mapatayo na namin yun,” aniya.
Kamakailan, ay inilunsad na rin ang sarili niyang record label, “Yes, yung Prime Music which is under Star Music. Okay naman siya, we have discovered a couple of artists. Pero ako pinakikialaman ko yung buong package kasi ayokong maglabas ng artist na alanganin pa. So we help the artist, we groom the artist first before they start recording and doing their albums or before sila ilabas sa public.
“We have a couple of artists na we already spotted na sobrang gagaling. Hindi sila yung typical na nakikita mo na mukha lang. I’m more for talent and personality. So hopefully probably next year sila lalabas kasi ngayon tinututukan pa namin yung album ko na ilo-launch sa mismong concert ko sa November,” ani Jed.
Kaya kung gusto n’yong maging bahagi ng monumental event na ito sa career ni Jed, save the date, Nov. 16, 2018 at very soon ay makakabili na kayo ng ticket para sa “Higher Than High”.
By the way, isa raw sa wish ni Jed sa kanyang 15th anniversary ay makapag-guest sana sa concert niya si Asia’s Songbird Regine Velasquez.