Romnick sa ilegal na droga: Traydor na kalaban iyan!

SUMUSUMPA ang dating matinee idol na si Romnick Sarmenta na never siyang nagdroga noong kabataan niya kahit na dumaan siya sa napakaraming pagsubok.

Sa nakaraang presscon ng pelikulang “Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Waiting for Sunset),” na entry sa 2018 Cinemalaya Film Festival, sinabi ni Romnick na hindi siya kailanman gumamit ng ipinagbabawal na gamot, “And alam lahat ng mga kaibigan ko ito. Lagi nilang tinatanong, ‘Ang galing mo naman.’

“Sabi ko, ‘Hindi ako magaling, takot ako. Paano kung magustuhan ko tapos masira ang buhay ko, di sayang naman, di ba?’ Traydor na kalaban iyan, e. Mag-e-enjoy ka lang sandali, tapos wala na, wala ka nang buhay.”

Dagdag pa ng mister ni Harlene Bautista, “I’ve seen a lot of people go down the drain because of that, so parang stupid for me. I mean, sorry, pero iyan yung term ko sa sarili,
‘Napakaestupido mo kapag sinubukan mo iyan, Romnick, dahil nakita mo na yung nangyari sa iba.’”

Hindi rin daw umiinom ang aktor, ang tanging bisyo niya lang daw noon ay yosi pero nag-quit na rin daw siya, “Naninigarilyo ako and then tumigil, and then bumalik, and then nag-vape.”

Samantala, excited na si Romnick na mapanood ng mga Pinoy ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” na official entry nga ng Cineko Productions at Cleverminds Inc. sa Cinemalaya filmfest na magsisimula na ngayong Aug. 3 hanggang 12 na mapapanood sa CCP at Ayala cinemas.

Feeling proud and grateful si Romnick na napasama sa nasabing pelikula dahil nga kasama niya rito ang magagaling na veteran stars na sina Menggie Cobbarubias, Dante Rivero, at Perla Bautista, sa direksyon ni Carlo Catu.

Kuwento ito ng mag-asawang Teresa at Benedicto na nagkahiwalay at muling nagkita noong matanda na sila na gagampanan nga nina Perla Bautista at Dante Rivero. Naghiwalay sila dahil hindi nakayanan ng babae ang pagiging playboy ng asawa.

Nakilala ni Teresa si Celso (Menggie) na isang biyudong pediatrician hanggang sa magkainlaban at magsama. After 26 years, tinawagan ni Benedicto ang dating asawa at sinabing meron siyang cancer kaya nakiusap kung pwedeng siya ang mag-alaga sa kanya.

Dito na magsisimula ang conflict ng kuwento – paano tatanggapin ni Celso na ang kinakasama niyang babae ay pumayag pang makipag-ayos at alagaan ang lalaking nanloko sa kanya. Tutol din dito ang anak nina Teresa at Benedicto na si Chito ginagampanan nga ni Romnick.

Kuwento ni Ms. Perla sa nakaraang presscon ng pelikula, marami siyang ginawa rito na ikabibigla ng manonood. Bilib na bilib din daw siya kay Direk Carlo Catu dahil kahit batambata at baguhan pa lang sa industriya, pinatunayan nitong meron siyang talent sa pagbuo ng makabuluhan at entertaining na pelikula.

Kasama rin dito sina Che Ramos, Ryan Ronquillo, Jacqueline Cortez, Dunhill Banzon at Stanley Abuloc.

Mapapanood na sa Ayala Malls cinemas at sa CCP ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” simula sa Aug. 3. Magkakaroon din ito ng Gala Premier sa Aug. 8, 9 p.m. sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa CCP.

Read more...