SINIGURO ni Direk Jason Paul Laxamana na hindi lang basta musical-drama ang bago niyang pelikulang “Bakwit Boys” na isa sa mga official entry sa 2018 Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na sa Aug. 15 hanggang 21.
Alam ng batang direktor na hindi pa masyadong tanggap dito sa atin ang musical film na gawang Pinoy pero aniya, sana raw ay bigyan sila ng chance dahil, “Ibang klaseng musical ito. The songs are part of the dialogue of the story. Kasi gumagawa sila ng songs, lahat sila, iyon ang pine-perform nila.
“Hindi siya ‘yung out of the blue, mataas ang mood nila tapos bigla nilang kakantahin. Hindi sila ganoong klaseng musical. Independent talaga ‘yung songs, sa kuwento talaga,” sabi pa ni direk.
Dagdag pa ni Direk Jason, perfect ang “Bakwit Boys” sa lahat ng mga nangangarap o nakararanas ng setbacks sa kanilang napiling career, “Dumaan din ako sa maraming failures. There was a time na ayaw ko na ring gumawa ng pelikula. Magtatrabaho na lang ako. But I’ve found a motivation to try again. At gusto kong i-translate ‘yung ganoong sentiments sa pelikulang ito.”
Ang “Bakwit Boys” ay mula sa T-Rex Entertainment na pinagbibidahan nina Vance Larena (napanood sa pelikulang Bar Boys), Devon Seron, Hashtag members Ryle Santiago at Nikko Natividad at ang isa sa mga TNT Boys na si Mackie Empuerto na puring-puri ng production dahil sa galing bumirit at umiyak. Tampok dito ang anim na original songs mula sa komposisyon ni Jhaye Cura.
Iikot ang kuwento ng “Bakwit Boys” sa paglalakbay ng magkakapatid na Datul (Elias, Sonny, Joey at Philip) na nabuhay sa isang evacuation center ngunit pangarap maging recording stars.
Tutulungan sila ni Rose (Devon) na i-record ang kanilang mga original song at mapatugtog sa mga radyo.
Ang pangalan ng kanilang grupo ay mula sa salitang bakwit, o sa Ingles ay evacuate. Nilisan nila ang kanilang probinsya matapos ang matinding bagyo.
Ilan sa mga kantang mapapakinggan sa pelikula na mapapasama sa OST ay ang “Fiona”, isang goodbye song na kinanta ni Mark Oblea; “Patibong” ni Jay-R na tungkol naman sa secret crush; “Ligtas Ka Na” ni Sean Oliver na tungkol sa pagtupad ng pangarap; at “Tayong Dalawa” ni Ice Seguerra na tumatalakay naman sa isang uri ng pagmamahal.
Magkakaroon ng official launch ang OST ng “Bakwit Boys” sa isang one-night only show sa Saguijo Café & Bar sa Agosto 3, 9 p.m..
Ano ang dapat abangan ng manonood sa “Bakwit Boys”? “Yung songs. Tsaka in general, yung movie – I reviewed it a few days ago – it’s really very entertaining. I’m surprised kasi nu’ng una ko siyang sinulat or ginawa, I intended it to be one of those social drama na indie film, ganu’n. Pero when I watched it, entertaining pala siya. Kaya pala siya nakapasok, sabi ko sa sarili ko,” sagot ni Direk.