DAHIL hindi umano makapagbuo ng “palabang” koponan ang Gilas Pilipinas ay hindi na ito lalahok sa darating na 2018 Asian Games sa Indonesia.
Ito ang biglaang desisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Huwebes ng gabi ilang oras na kinumpirma ng Philippine Basketball Association (PBA) na ang mga manlalaro ng Rain or Shine ang bubuo sa pambansang koponan sa Asian Games.
Ayon sa inilabas nitong pahayag Huwebes ng gabi, idinahilan ng SBP ang ilang konsiderasyon na naging sanhi nito para baguhin ang desisyon tulad ng nais nitong “sustainable success in future tournaments” at ang pagnanais nitong maisaayos ang plano nitong iapela ang kaparusahang ipinataw sa SBP ng FIBA Disciplinary Panel.
Matatandaan na inihayag pa mismo ng SBP at PBA Board of Governors ang pagtatalaga kay NLEX coach Joseller “Yeng” Guaio upang pamunuan ang pambansang koponan na bibitbitin ng mga manlalaro ng Rain Or Shine kasama ang ilang miyembro ng Gilas Cadet at NLEX Road Warriors bago na lamang kinansela ng SBP ang pagpapadala ng koponan sa Asian Games.
Diumano ay hindi makapaglalaro sa Asian Games si Cleveland Cavaliers guard Jordan Clarkson at ang naturalized Pinoy na si Andray Blatche na isa sa mga Gilas players na pinatawan ng FIBA ng suspensyon.
“The PBA was ready to lend to the SBP, the problem was there was no Blatche, no Clarkson,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas. “Those are two important pieces to the puzzle. They [the SBP] thought best not to send.”
Ganito rin ang pananaw ni Guiao.
“If we can’t form a competitive team, why must we embarrass ourselves if we will go unprepared and not equipped,” sabi ni Guiao.
“I want to bring a team that can compete and we can be proud of. In the process of completing the lineup, there were doubts on whether we can really compete with the players we requested.”
Ang 18th Asian Games ay magsisimula Agosto 18 at magtatapos Setyembre 2.
Dahil sa kaguluhang naganap sa laro sa pagitan ng Pilipinas at Australia noong Hulyo 2 ay sampung manlalaro ng Gilas ang nasuspinde habang pinagmulta naman ng mahigit kalahating miyong piso si Gilas head coach Chot Reyes. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.