MULING sasabak sa matinding challenge ang Kapamilya hunk actor na si Joseph Marco sa longest-running drama anthology sa Asya, ang Maalaala Mo Kaya.
Bibigyang-buhay niya ang kuwento ni Marlon Fuentes, ang viral transport network vehicle service (TNVS) driver na mayroong Tourette Syndrome, isang genetic na sakit nag nagdudulot ng mga imboluntaryong pagkilos ng katawan. Gaganap naman bilang asawa niya si Ryza Cenon sa kanyang pinakaunang MMK.
Bata pa lang si Marlon (Joseph) ay kinukutya na siya ng mga tao dahil sa kanyang kakaibang pagkilos. Ito ang dahilan kung bakit nahihirapan siyang makahanap ng trabaho at ng pag-ibig hanggang sa makilala niya si Rio (Ryza), ang kaniyang magiging kabiyak na buong puso siyang tatanggapin.
Malalaman nilang mag-asawa na Tourette Syndrome pala ang dahilan ng kanyang mga imboluntaryong paggalaw. Pipilitin ni Marlon na itaguyod ang kanyang pamilya sa kabila ng kanyang karamdaman at ang mga paghihirap na dala nito. Sa kabila ng kaniyang sakit ay lalabanan ni Marlon ang lahat ng pagsubok ng buhay, gaano man ito kahirap para sa kaniya.
Paano mapagtatagumpayan ni Marlon ang mga limitasyong dala ng kanyang sakit? Kasama rin sa episode na ito sina Alex Castro, Soliman Cruz, Glenda Garcia, Pinky Amador, Mari Kaimo,
Regine Angeles, Marco Masa, at Alysson Mcbride. Ito’y sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Arah Jell Badayos at Benson Logronio. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda dela Cerna.
Panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.