PINAGTIBAY ng Hong Kong government noong Enero 2017 ang probisyon sa mga kontrata ng kanilang mga kasambahay na hindi na maaaring maglinis sa labas ng mga bintana ang ating mga OFW, pati na ang pagsasampay doon.
Ito kasi ang naging sanhi ng maraming aksidente at pagkahulog ng mga domestic helpers sa mga gusali.
Napakatataas nga naman ng mga gusali at palaging isinusugal ng mga domestic workers ang kanilang buhay para sa kanilang trabaho. Kapag nahulog, mas malaki ang tsansang mamatay ang mga ito.
Ngayon naman isinama na pati ang paglillinis sa mga rooftop. Ayon sa Philippine Overseas
Labor Office (POLO) ng Hong Kong, inilagay na sa blacklist ng isang ahensiya roon ang mga employers na pinipilit ang kanilang mga kasambahay na umakyat sa mga rooftop at pinaglilinis ang mga ito. Sabi ng POLO, ilegal iyon at kahit anong trabaho, hindi nila maaaring ipillit kapag nalalagay sa panganib ang buhay ng kanilang mga domestic workers.
Pero ikinakatuwiran pa rin ng ilang employers na additional duty ang “rooftop cleaning” na nakasaad naman sa kanilang mga kontrata. Mariin naman itong pinabulaanan ng Labor Office. Walang ganoong probisiyon!
Kamakailan lamang, nagpatawag din ng natatanging pagpupulong para sa mge employer ang HK government, lalo na sa mga first timer na kumukuha ng kanilang kasambahay upang ipaalam sa kanila ang mga batas hinggil sa pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa kanilang mga domestic workers.
Mabuti naman at isinasama na sa ganitong usapan ang mga employer. Nasa kanila ang malaking papel sa pagpapatupad ng naturang mga batas at panuntunan na tunay namang makakaapekto sa kanilang mga kasambahay kung hindi iyon masusunod.
Nangako naman ang Hong Kong government na patuloy nilang poprotektahan ang kapakanan ng ating mga OFW pati ang ibang mga dayuhang manggagawa doon.
Ayon kay Chief Secretary for Administration Matthew Cheung Kin-Chung, kinikilala nila ang malaking kontribusyon ng mga OFW sa paglago ng ekonomiya ng HK.
Dahil dito lalo pa anya nilang paiigtingin ang mga probisyon ng batas para sa mga karapatan at benepisyo ng mga ito upang makapanatili sila sa Hong Kong sa isang maayos na kalagayan.
Ramdam na ramdam ng ating mga OFW ang malasakit na ito ng pamahalaan ng HK. Kaya naman nagpaabot din ng pasasalamat si Consul General Antonio Morales kay Chung hinggil dito.
Dati-rati pagkarami-raming mga reklamo ang natatanggap ng Bantay OCW hindi lamang mula sa Hong Kong kundi maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ngayon, mas may boses at mas pinalalakas pa ang mga proteksyong ito para sa ating mga kababayang Pilipino.
Nang umangal ang isang kilalang personalidad ng Kuwait hinggil sa hindi niya pagpayag na hawakan ng OFW ang kanilang mga passport at ayaw niyang magbigay ng day off para sa ating mga OFW, hugos ang suporta sa mga Pilipino, maging ng iba’t-ibang mga lahi nang batikusin ng mga ito ang naturang mga pahayag at bumitaw din sa kaniya ang malalaking mga kumpanya kung saan siya ang endorser.
Ayon sa mga kumpanyang iyon, hindi rin nila matatanggap ang kawalan ng respeto sa mga OFW ng naturang endorser.
Kahit saang mga bansa, mararamdaman naman talaga ng bawat Pinoy ang pagkilala at paggalang sa kanila dahil din sa respeto at malasakit na kanilang ipinamamalas sa mga ito bukod pa sa magaling na performance sa kanilang mga trabaho.
Si Susan Andes a.k.a Susan K.
ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm,
audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail:
bantayocwfoundation@yahoo.com/