HANGGANG ngayon ay umuusok ang mga ilong sa galit ng ilang mediamen na dating nagtatrabaho bilang mga online writers sa isang political website.
Bakit nga naman hindi, bagaman maraming taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin binabayaran ng isang public relation “expert” kuno ang SSS contributions at salaries ng kanyang mga dating tauhan.
Habang abala sa kanyang kayabangan sa Facebook ang bida sa ating kwento na kalbong PR expert ay hindi naman niya magawang tumingin sa mga mata ng mga dating kasamahan na kanyang binukulan.
Kamakailan lamang ay nasalubong niya sa isang mall ang dati niyang writer na kanyang hindi binayaran ng sweldo at hulog sa SSS.
Imbes na kumustahin o kaya ay bayaran ay nagmamadali itong umiba ng daan na tila ay nakakita ng multo.
Ibang-iba ito sa kayabangan na kanyang ipinakikita sa mga kliyente na karamihan ay galing sa hanay ng oposisyon.
Parang pelikula lang na akala mo matapang lalo na kung birahin sa online ang kasalukuyang administrasyon pero sa totoong buhay ay nuknukan ng duwag ayon pa sa aking cricket.
Kung tutuusin ay kaya namang bayaran ni Mr. PR man ang mga dating tauhan dahil malaki ang kanyang tinatanggap na bayad mula sa mga kliyente.
Madalas pa nga na ipagyabang nito na galing sa isang powerful na Pinay sa New York ang kanyang pera na kabayaran sa kanyang mahusay daw na PR works.
Pero sa totoo lang ay daig pa ng ating bida ang mga hao shao na manghuhula sa Quiapo sa dami ng kanyang mga sablay.
Pinakahuli dito ang kanyang post sa FB na nagsasabing babaliktad daw ang dalawang mahistrado ng Supreme Court sa nauna nilang desisyon sa quo warranto petition laban kay dating CJ Maria Lourdes Sereno pero kabaliktaran ang naging resulta nito.
Ang PR man na hindi marunong magbayad sa kanyang pagkakautang pero sobra naman ang kayabangan ay si Mr. L.P…as in Lalaking Panot.