IBANG klase talaga si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay nasa ikatlong termino bilang kongresista ng Pampanga. Laging may twist ang kanyang istorya, gaya na lamang ng naganap na #Speakerserye.
Hindi ko alam, baka tadhana niya ito.
Una, siya ang unang babaeng vice president ng bansa.
At habang siya ang VP, umusbong ang EDSA 2 People Power Revolt noong 2001. Pinababa si dating Pangulong Joseph Estrada at si Arroyo ang umupo sa Malacanang.
Tapos tumakbo siya ng 2004 presidential elections matapos hilingin ng kanyang mga supporter kahit nagsabi na siya na hindi tatakbo.
Ayon sa opisyal na resulta ng eleksyon, si Arroyo ang nanalo. Tinalo niya ang aktor na si Fernando Poe Jr., na kumpare ni Estrada.
Bagamat mayroong kumukuwestyon sa kanyang panalo, lalo na nang lumabas ang Hello Garci recording, natapos ni Arroyo ang kanyang termino.
Tapos tumakbo siya sa pagkakongresista ng Pampanga.
Nakulong siya, pinalaya pagpasok ng Duterte government. At naging House Deputy Speaker.
Inalis siya bilang Deputy Speaker dahil sa kanyang pagtutol sa pagbabalik sa death penalty na isinusulong ni Speaker Pantaleon Alvarez.
Ilang beses umugong ang pagpapatalsik kay Alvarez pero noong Lunes lang ito nagkatotoo.
Naging maaksyon ang mga oras bago ang Sona ni Duterte.
Biglang nag-suspend ng sesyon ang liderato ng Kamara ng hindi niraratipika ang Bangsamoro Organic Law at hindi nangyari ang inaasahan ng mga sumusuporta kay Arroyo na mapapababa si Alvarez.
Tapos bandang alas-3 ng hapon, isang oras bago ang Sona ay tumayo si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., at nagsalita para sa pagpapalit kay Alvarez.
Pinatayan ng mikropono si Andaya pero hindi nito napigilan ang pagsasalita ni Andaya na sumisigaw sa plenaryo. Tapos nagsalita na si Davao City Rep. Karlo Nograles, pamangkin ni Duterte at pinsan ni Davao City Mayor Sara Duterte, na tila nagro-roll call.
Pinaikutan na ng mga kongresista ang nakaupong si Arroyo at makalipas ang ilang saglit ay nagpalakpakan na sila at mababanaag mo sa kanilang mga mukha na sibak na si Alvarez, si Arroyo na ang speaker.
Umakyat si Arroyo sa rostrum at nanumpa bilang speaker. At ginawa niya ito ng walang mikropono. Nagsalita din siya pero hindi marinig ng karamihan dahil patay pa rin ng mic.
Isang miron tuloy ang nagkaroon bigla ng misyon. Gusto niyang malaman kung sino ang nag-utos na patayin ang mic.
Nang magsalita si Duterte, ang nakaupong speaker sa rostrum ay si Alvarez.
Pagkatapos ng Sona, nagbotohan at nanalo si Arroyo sa botong 184. Walang lumaban sa kanya.
At siya ang naging kauna-unahang babaeng speaker.
Puna ng mga miron, natabunan ang Sona ni Duterte ng nangyaring power grab sa Kamara. Hirit nila sana ay ipinagpabukas na lang at hindi na isinabay sa Sona kung saan ang bida ay ang Pangulo dapat.
Gustong malaman ng isang miron kung ano ang nangyari sa Mace ng Kamara. Ayon sa website ng Kamara ang Mace ay “symbol of authority” na itinatayo sa ibaba ng rostrum kapag mayroong sesyon.
Mayroon daw nagtago ng mace para hindi maalis si Alvarez sa puwesto. Sino kaya yun?
Ang Mace ay nasa pangangalaga ng Sgt.-At-Arms na itinatalaga ng House Speaker.
Marami ang nagsasabi OA (overacting) ang security noong SONA.
Ang ipinagtataka nila, sinasabi ng otoridad na walang banta kay Duterte, pero bakit daw grabe ang security.
Sangkaterba ang mga sundalo parang may kudeta.
Hindi naman siguro yung kudeta sa Kamara ang binabantayan nila.