Nakasandal sa Maykapal

PAANO nga ba magkakamali sina Susan Papa ng swimming at Sam Tamayo ng motocross?
Bagamat magkaiba ng isports, malinaw na nakasandal ang dalawang lider sa Poong Maykapal.
Bagamat maraming pagsubok na kailangang lusutan at sagupain ay nananatiling malakas ngunit payapa ang loob nina Papa at Tamayo.
Si Papa ang utak ng matagumpay na Philippine Swimming League at ng Susan Papa Swimming Academy, samantalang si Tamayo, na isang Pastor ng Generation Congregation, ay ginagawang araw ang gabi upang ipagpatuloy ang kanyang adhikain na palawakin ang saklaw ang motocross sa bansa.
Dahil sa PSL ay nagkaroon ng pagkakataong ang mga batang manlalangoy hindi lang sa National Capital Region kundi sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas na ipakita ang kanilang mga natatagong galing.
Kabilang din sa mga gawain ng PSL ang pagpapalawak ng antas ng kaalaman ng mga coach na pumapanday sa mga atleta.
Kapwa walang kapaguran ang dalawang lider sa pagdaraos ng mga paligsahan na humuhubog sa husay ng kani-kanilang mga manlalaro.
At hindi rin maitatanggi na sa pamamagitan ng kanilang mga proyekto ay maraming bagong talento na nahuhukay upang pagdating ng panahon ay maging ginto na kikinang sa ngalan ng Pilipinas.
Malaking sagabal kina Papa at Tamayo ang korapsyon at pagkahati-hati sa kanilang mga isports ngunit tulad sa mga sundalong nasusugatan ay lalo silang tumatapang at mas nagiging determinado upang ipagpatuloy ang kani-kanilang mga misyon.
Sabi ni Pastor Sam bago magkatotoo ang matagumpay na MMF Supercross Championship 2018 sa MX Messiah fairgrounds sa Taytay, Rizal.
‘‘People will know that your God is real or that He is with you when MIRACLES happen right before their very eyes just like the story of “Daniel & the lions den!”
Ito rin ang gabay ni Sam kapag tadtad ng problema ang bago magsimula ang mga karera.
‘‘When everything seems easy, find something that will scare you…Always choose the harder route…Don’t settle…Dream big…RISK IT…
“For nothing will be impossible with God.’’ Luke1:37.
Kaya hindi nakakapagtaka na nanatiling positibo si Sam matapos malagay sa alanganin ang karera dahil sa kahirapang mamakuha ng mga isponsor. Pinapalakas din ang loob ni Sam ng kanyang maybahay na si Faith na patuloy pa ring kasama ni Sam upang tiyakin ang tagumpay ng MMF Supercross.
Binabati ko rin si Bornok Mangosong ng Yamaha na muling pinakita ang kanyang husay upang magwagi sa sikat na Shell Advance Motorcycle Oils Pro Open. Hindi rin ako magugulat kung sa susunod na mga serye ay umusbong ang mga pangalan nina Jerick Mitra, Ompong Gabriel, Ralph Ramento at JC Rellosa.
Nakatutuwa ring isipin na hindi lang mga kalalakihan ngunit maging mga kababaihan at mga bata ay nahihilig sa motocross. Salamat sa MMF Academy na suportado ng Yamaha Motor Philippines at pinangungunahan ni Sam, lalo pang lumalawak ang naaabot ng isport sapagkat maging ang mga ordinaryong tao ay puwedeng sumali sa MMF Academy.
Nagsimula ang academy noong 2015 at naniniwala si Sam na kumilos ang kamay ng Diyos upang mabuo ang Academy. Hindi na maitatanggi na napakaraming miron tuwing may motocross ngunit nais ni Sam na ‘‘tumawid’’ ang mga manonood at maranasan kung paano ang ligtas at tamang pagmomotor.
Ganito naman ang pahayag ni Papa sa dahilan ng kanyang paglangoy: ‘‘The purpose, we want to build comunity of sports to be righteous, God Fearing people and perhaps build the nation. Everyone who wants to be part of our commitment and willing to sacrifice for the love of God and willing to recvd our creator as our Lord and savior. There will be also worshipping…. baka mabago pa po sports thru Gods intervention. we need young warriors to pray and save Philippine Sports.’’
May kinabukasan ang Philippine sports.

Read more...