HABANG tumatagal, mas maraming Pilipino ang nakadepende sa mga processed food tulad ng mga de lata, cold cuts at produktong fast food na siksik sa mantika, taba, asin, salitre at mga kemikal na may masamang epekto sa katawan kung sosobra.
Ang gawing ito ay dulot na rin ng impluwensya ng mga mauunlad na bansa lalo na ang mga nasa kanluran. Isang salik kung bakit ang “western lifestyle and diet” na ito ay nakasanayan na ng mas malaking bahagi ng populasyon ay dahil na rin sa mabilis na takbo ng buhay upang makasabay sa matuling takbo ng pang araw-araw na gawain at mga pagbabago.
Mas madali nga namang ihanda ang mga processed food dahil ang iba ready to eat na, menos oras at menos gastos na rin dahil may pagkakataong mas makakatipid ka dito kesa sa pagbili ng mga sangkap para makabuo ng isang putahe.
Subalit kasabay ng labis na pagtangkilik ng mga Pinoy sa mga processed food ay ang mabilis ring pag-usbong ng mga seryosong karamdaman na kadalasan ay binabalewala at kung may impormasyon man ukol sa sakit ay kakarampot lang ang nakakaalam nito, tulay para malagay ang kalusugan sa peligro na posibleng humantong sa kamatayan.
Isa na rito ang colorectal o colon cancer- ang ikatlong pinakamalubhang cancer sa buong mundo mapa-babae man o lalaki.
Lingid sa kaalaman ng nakakararami, ang colon cancer din ang ikalimang tipikal na uri ng cancer sa bansa, kasunod ng breast, lung, liver at cervical cancer, habang ito ang ikaapat na sanhi ng pagkamatay pangkalahatan.
Sa pinakahuling tala naman ng World Health Organization, may 4,901 na ang namatay na Pilipino mula sa 8,553 kaso ng colon cancer noong 2012 at taun-taon ay nadaragdagan ng mahigit 3,000 ang tinatamaan nito.
Maliban sa palaging pagkonsumo ng processed food, may dalawa pang aspeto ang maaaring maghatid sayo sa colorectal cancer ayon kay Dr. Frederick Dy, pangulo ng Philippine Society of Gastroenterology (PSG).
Ang mga modifiable risk factors nito ay ang pagiging obese, paninigarilyo, pag-inom ng alak, walang ehersisyo, at madalas na pagkain ng pulang karne habang ang non-modifiable risk factors ay hindi mababagong salik gaya ng edad, kasarian at kung nasa lahi na ng pamilya ito.
Bagaman wala itong pinipiling estado sa buhay, edad at kasarian, mas malaki pa rin ang tyansa ng mga may family history ng sakit, 50-anyos pataas at kalalakihan na dapuan nito ngunit hindi ibig sabihin na maging kampante na ang nakababata.
Madalas na walang sintomas ang colon cancer at nalalaman na lang kapag nasa malalang estado na dahilan upang hirap na matukoy kung dinapuan ka na nito.
Sa kabilang banda, mayroong ‘red flags’ o mga pangunahing senyales na baka may problema na ang bituka tulad ng pamamayat nang walang dahilan, biglaang pagkakaroon ng anemia, pamumutla, walang gana kumain kahit hindi nagre-reduce, pagbabago sa laki at porma ng dumi, at pagdumi ng maitim na may kasamang sariwang dugo.
Hihintayin mo pa bang humantong ka sa mga alanganing sitwasyong ito kung kaya mo naman itong iwasan ng mas maaga?