Nakapapayat ba ang diet mo?

SA panahon ngayon, kung ano-anong klaseng diet ang nauuso.

Merong Atkins, Zone, Vegan, Vegetarian, South Beach, Raw Food, Mediterranean, Ketogeni at kung anu-ano pang diet.

Sinasabi na mayroong nababagay na diet sa bawat tao. Hindi dahil pumayat ang isa sa kanyang napiling diet ay magiging epektibo rin ito sa iyo.

Ang ketogenic diet halimbawa. Noong una ay ginagamit ang diet na ito para sa paggamot sa mga taong may epilepsy. Napatunayan ng ilan na totoo itong nakapapayat.

Sa ilalim ng ketogenic diet, babawasan ang pagkain ng carbohydrate at tataasan naman ang fat intake.

Sa halip na carbohydrates ang sunugin ng katawan para makalikha ng energy, ang susunugin nito ay ang fat.

Ang mga pagkain na mataas ang healthy fat content gaya ng abocado, Brazil nuts, olive oil at matatabang isda ay kasali sa diet na ito.

Kaya lang mayroong pag-aaral ang University of Aberdeen sa United Kingdom at Chinese Academy of Sciences sa Beijing, China na nagsasabi na ang pagkain ng fat, maging healthy man ito, ay nakadadagdag ng timbang.

Upang malaman kung talagang nakadaragdag ng timbang ang fat, sinubukan ang diet na ito sa mga laboratory mice. Sila ay binigyan ng 29 na klase ng diet.

Partikular na tinutukan ang fat, carbohydrate, refined sugar at protein ng dietary component na ibinigay.

Ayon kay professor John Speakman na nanguna sa pagaaral ng dalawang institusyon, ang tanging nakapagpapabigat sa mga daga ay ang fat sa kanilang diet.

Ikinagulat ng marami ang resulta ng pag-aaral na nagsasabi na ang carbohydrates at sugar intake ay walang kinalaman sa pagbigat ng timbang ng tao.

Wala rin umanong ebidensya na nagpapatunay na ang high protein intake ay nagdudulot ng madaling pagkabusog, at wala ring ebidensya na nagsasabi na kapag low protein intake ang isang tao ay tumatakaw siya.

Inamin naman ni Speakman na ang limitasyon ng pag-aaral na ito ay ginawa lamang sa daga at hindi sa tao bagamat maraming pagkakatulad ang dalawa.

Read more...