PERSONAL na pasasalamat ang nais naming itawid sa kagandahan ng puso ng mga personalidad na parang mga sundalong palaging handa sa kahit anong laban kapag hiningan mo ng tulong at ayuda.
Binagyo ang damdamin at buhay ng isang kasamahan namin sa panulat na si Janiz Navida. Kung gaano kalakas ang sigaw ng ating mga kababayan sa tagumpay ng Pambansang Kamao nu’ng araw na ‘yun ay ganu’n din kalakas ang paghagulgol ni Janiz dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang mister na si Dada.
Napakasakit gumising na ang katabi mo at katuwang sa mga pangarap ay malamig nang bangkay.
Walang paramdam, walang anumang merida, wasak na wasak ang mundo ni Janiz Navida nang makita niyang nangingitim na at matigas na matigas na si Dada.
Hindi namin maintindihan ang kanyang mga sinasabi. Puro hagulgol lang ang naririnig namin.
Isang anak-anakan sa kabilang linya ang nangangailangan ng armas sa pagharap sa giyera.
Ang una naming tinawagan ay si Phillip Sabino, isang kaibigan at malapit sa aming pamilya na may-ari ng punerarya sa Valenzuela. Sila ni Flor ang binulabog namin para kunin ang bangkay ni Dada sa Novaliches District Hospital para embalsamuhin nang agaran.
Iba ang mag-asawang ito. Sa lahat ng serbisyong inilalapit namin sa kanila ay hindi namin pinag-uusapan ang pera. Isang disenteng lamay at libing ang ibinigay ng Sabino Funeral Homes kay Dada.
Ang ikalawang tinawagan namin ay si Mayora Tates Gana. Hindi na namin kinailangang katukin pa ang kanyang puso, agaran itong sumagot sa tulong na kailangan ni Janiz, nagpadala pa si Mayora Tates ng florist sa Claret Church para mas punuin ng mga puting bulaklak ang palibot ng lugar ng lamay.
Si Mayora Tates din ang nakipag-usap sa Claret Church, ito ang sumagot sa lahat-lahat ng gastos, isang taos-pusong salamat ang palaging ipinararating sa kanya ni Janiz Navida.
Gusto rin naming pasalamatan ang dalawang pusong subok na subok na namin sa mga ganitong uri ng laban na gipitan. Sina Willie Revillame at Senador Bong Revilla. Isang dangkal lang ang layo nila sa mga kasamahan sa industriya na nangangailangan ng pag-ayuda.
Inilibing na kahapon si Dada Navida. Isang matinding habambuhay na laban ang kailangang harapin ni Janiz sa pagkawala ng kanyang asawa. Sila na lang ng kanyang anak na si Jaden ang magkahawak-kamay ngayon sa pagharap sa buhay nang wala na ang poste ng kanilang pamilya.
Sa mga taong nabanggit namin at sa lahat ng mga kasamahan namin sa mundo ng panulat na nagpagaan sa kalooban ni Janiz Navida, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat, hinding-hindi kayo makakalimutan ng aming kasama.