Magkapatid patay, ina sugatan sa landslide

NASAWI ang magkapatid na batang babae’t lalaki habang sugatan ang kanilang ina, nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Barbaza, Antique, Linggo ng umaga.

Dinala pa sa ospital sina Rosalia, 6, at Andrew Agapito, 3, matapos mahugot sa guho, ngunit kapwa di na umabot nang buhay, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.

Itinakbo rin sa pagamutan ang ina nilang si Tessie, 48, dahil sa mga tinamong pinsala.

Naganap ang insidente sa maburol na bahagi ng Brgy. Binanuan, dakong alas-3.

Natutulog sa kanilang bahay ang mga Agapito, nang maguhuan ito ng lupa, ani Malong, gamit bilang basehan ang impormasyong nakarating sa kanyang tanggapan.

Dahil sa insidente’y nawasak din ang bahay ng pamilya, aniya.

Nagtulung-tulong ang mga kapitbahay para hugutin ang pamilya sa guho, at dalhin ang mga ito sa Pedro L. Gindap Municipal Hospital.

Read more...