Printing ng pasaporte pinuna ng COA

SINITA ng Commission on Audit (COA) ang P38 bilyong kontrata na pinasok ng APO Productions Unit Inc., isang attached agency ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), para sa e-passport printing project.

Ayon sa COA lugi ang APO sa hatian ng kita sa ilalim ng joint venture agreement nito sa United Graphic Expression Corp.

Inirekomenda ng COA sa 2017 audit report nito na baguhin ang joint venture agreement upang madagdagan ang kita ng gobyerno rito.

Ang kontrata ay pinasok noong 2016 at magtatagal hanggang 2026.

Nakipagkasundo ang Department of Foreign Affairs sa APO para sa pag-imprenta ng mga pasaporte. Ang APO naman ay pumasok sa joint venture sa UGEC, upang magawa ang obligasyon sa DFA.

Noong 2017 ay nakatanggap ang UGEC ng P233.88 milyon bilang dibidendo bukod pa sa P669.77 milyong bayad sa paggamit ng mga printing machines nito.

Ang APO ay nakatanggap lamang ng P100.235 milyong dibidendo.

Sinabi ng COA na lugi ang APO dahil magbabayad dito ito ng renta sa makina ng UGEC. Kung nirentahan na lamang umano ang mga makina ay mas kikita pa ito kumpara sa ginawa nitong pagpasok sa joint venture.

Ipinagtanggol naman ng APO ang JV.  Malaki na umano ang kinita nitong 30 porsyento dahil ang share lamang nito ay 10 porsyento.

Sinabi ng COA na hindi rin nasunod ng APO ang kasunduan nito sa DFA dahil ang mga trabaho na dapat nitong gawin ay ipinagawa nito sa UGEC.

Read more...