NITONG nakaraang Biyernes, naglabas ang Commission on Audit (COA) ng rekomendasyon nito kung saan pinakakasuhan nito ang mga opisyal ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) na sangkot sa iregularidad sa paggastos ng pondo para sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) summit.
Kabilang sa ipinunto ng COA ay ang pagbili ng PCOO ng mahal na sabon mula sa tatlong supplier na lagpas sa inaprubahang budget na P758,000.
Itinuloy din umano ang printing contract na nagkakahalaga ng P2.071 milyon at power bank na P2.488 milyon kahit mas mura ito sa ibang supplier.
Rumenta rin umano ng mga Information Technology equipment sa halagang P4.039 milyon kahit pa kung bibilhin ang equipment ang halaga lamang nito ay P3.074 milyon.
Sinilip din ng COA ang pagbabayad ng P7.264 milyon sa renta ng mga van.
Kinuwestyon din ng COA kung bakit hiwa-hiwalay ang ginawang pagbili ng PCOO sa mga gamit gaya ng delicacy bag, handmade soap, medical kit, dry-fit shirt, ASEAN jacket, media handbook, wifi access, powerbank at chargers, at VIP passenger van rentals kaya nawalan ng oportunidad ang gobyerno na makamura.
Sa audit report ng COA, pinuna rin nito ang paglobo ng gastos ng PCOO noong 2017, partikular ang P162.3 milyon na ginamit para sa mga biyahe malayo sa P30.1 milyon na ginastos noong 2016.
Kabilang dito ang P119.9 milyong ginastos sa local trip malayo sa P14.9 milyon noong 2016 at P42.3 milyon para sa foreign trips malayo sa P15.1 milyon sa naunang taon.
Ang Communication Expenses naman ng ahensya ay umakyat sa P99.6 milyon mula sa P13.7 milyon.
Kasama sa ginastusan ang P268,875 para sa Postage and Courier Services na umakyat mula sa P162,306.10.
Ang Telephone Expenses naman ay umakyat sa P7.8 milyon mula sa P5.8 milyon.
Ang Cable, Satellite, Telegraph and Radio Expenses ay umakyat sa P11.3 milyon mula sa P5.4 milyon.
Ang Professional Services naman ay lumobo sa P38.2 milyon mula sa P23.9 milyon. Ito ang ipinambabayad sa mga consultant.
Hindi kataka-taka na sabihin ng PCOO na sa kabila ng mahigit P1 bilyong budget ay wala na itong pondo.
May balita pa na magtatanggal na naman ng tao ang PCOO dahil sa wala itong budget.
At kabilang sa tatanggalin ulit ay mga empleyado na deka-dekada nang naninilbihan, bagamat nagpapatuloy na mga casual o contractual.
Nitong Biyernes din, ipinahayag na ng PCOO na nagsasagawa na ito ng imbestigasyon kaugnay ng COA report.
Hindi ba’t bukod sa huli na ang imbestigasyon, masisiguro ba ang pagiging patas at neutral ng mga opisyal na magsasagawa ng probe?
Dapat ay ipaubaya na sa ibang ahensiya ang imbestigasyon o kung hindi naman ay ituloy na ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga hindi pa pinangalanang opisyal.
At kung nakaupo pa rin ang sinasabing mga opisyal dapat ay sibakin agad ni Pangulong Duterte.
Nauna nang nangako si Digong na basta’t may bahid ng katiwalian, sisibakin niya agad ang mga opisyal na sangkot sa iregularidad.
Dapat ay managot ang dapat managot at wag pairalin ang pagkakaroon ng padrino sa gobyerno.