MATT EVANS tuloy ang pagharap sa kasong isinampa ng dating ‘ASAWA’


PARANG kailan lang ay hindi pinapakausap ng Star Magic sa entertainment media si Matt Evans dahil sa kinasangkutan nilang isyu noon ng dati niyang ka-live-in  na ina rin ng kanyang anak na babae.

Ilang beses  naming nasasalubong sa ABS-CBN hallway ang tisoy na aktor pero hindi kami nagkaroon ng tsansang kausapin siya dahil pakiwari namin ay ayaw din niyang magkuwento noon.

Kaya naman nagulat kami kay Matt dahil nang bumisita kami sa taping ng teleseryeng Muling Buksan Ang Puso sa San Juan, Batangas ay hindi naging maramot ang aktor na ikuwento kung ano ang mga pinagdaanan niya nang dahil sa problema nila ng  dating kinakasama.

Kasalukuyang may kaso pa ring hinaharap si Matt base sa reklamo ng kapatid ng live-in partner niyang si Johnelline Hickins na  slight physical injury at violation of Anti-Violence against Women and Children Act na isinampa sa kanya ng dating partner.
Ang sabi ng aktor, “Kumbaga, brinush-off ko na lang lahat.

Kung ano yung dapat kong gawin, kung ano yung sinimulan ko dati, ipinagpapatuloy ko na lang.” At dahil dito ay pinasasalamatan niya ang ABS-CBN, “Sobra! Sobra! Isipin mo, wala akong hiniling, ibinigay nilang lahat.

Kung tutuusin talaga, yung malaking dapa na ‘yun sa buhay ko, puwedeng maging malaking tuldok na  sa career ko. Pero hindi,” kuwento ni Matt.

Hindi naman itinanggi ng aktor na nagsilbing aral ito sa kanya kaya nakaramdam siya ng pagsisisi, “Sobra po. Hindi lang aral, kumbaga, naging malaking experience ko sa buhay para matuto,” say ng aktor.

Dagdag pa niya, “Oo, kinausap ako ng ABS, huwag daw akong ma-bother. Talagang dumarating raw yun sa buhay ng tao, iba’t iba nga lang ang sitwasyon.

“Sabi nila, yung ibang tao bumabagsak pero hindi ganyan. Nagkataon lang na nangyari sa akin. Hindi talaga nila ako binitiwan, sobrang encouragement ang ibinigay nila sa akin, hindi nila ako iniwan.

“Kaya hindi po ako nanghinayang. Ako naman, lahat ng ibigay nila tinatanggap ko, e. Hindi naman ako namimili e. Kung saan ako puwede, flexible naman ako. Basta makapag-work lang,” pagpapatuloy pa ni Matt.

Samantala, ang role ni Matt sa Muling Buksan Ang Puso ay, “Ako po si Pancho Mercado na kababata at best friend ni Enchong (Dee) na laging barkada niya sa lahat.

“Si Pancho makikita mo siya na parang salamin ni Enchong, kung paano si Enchong ganun din siya. “Ginagaya niya yung character ni Enchong pero hindi niya ipinapakita, kaya suporta lang sa lahat ng ginagawa,” kuwento pa ng binatang ama.

Samantala, inamin ni Matt na nag-usap na raw sila ng ina ng anak niya at tinuldukan na rin ng aktor na malabo na raw silang magkabalikan nito.

Wala rin sa pangangalaga ni Matt ang kanilang anak at naiintindihan niyang sa custody ng ina talaga ibinibigay ang bata kapag ito’y wala pa sa wastong gulang. “Custody nasa kanya yun. Kumbaga, tanggap ko naman yun,” say pa ng aktor.

Read more...