Bagong Taon, bagumbuhay?; Bagong bolahan, sakay ka?

GASGAS na yan.  Sa tuwing nagtatapos ang taon ay palaging sinasabi ang pagbabagumbuhay.  Magbabagumbuhay sa pagpasok at panimula ng Bagong Taon.
Kung masama ang 2009, di sana natin aabutin ang 2010.  Kung naging napakahirap ng buhay sa 2009, wala tayo ngayong bisperas ng Bagong Taon, naghahanda ng makakain mamayang hatinggabi, naghahanda ng mga paingay, naghahanda ng mga papuputukin.
Kapag ang pakikinggan mo naman ay ang magagaling na mangangaral (ewan ba kung bakit tinawag silang mangangaral, gayung pare-pareho lang ang mga makasalanan at nananampalataya.  Ah, baka mangangaral, pagkatapos manghihingi ng pera!), mas lalong nalalapit na ang paghuhukom kapag naghihiwalay na ang taon.  Yung iba naman, mas lalong nalalapit na raw ang gunaw.
Gunaw?
Gasgas na rin yan, kung ang pagbabatayan ay paghahanap-buhay, pagbabanat ng buto, pagtatanim sa lupa, pangingisda sa dagat, pagtutulak ng kariton at paghahanap ng basura na magiging pera.
Pinoy tayo.  Laman-tiyan ang inuuna natin, mahirap man ang panahon, may martial law man o state of calamity.
Magbabagumbuhay?  Puwede.  Pero, kayod muna para may kain.
* * *
Bagong bolahan, sakay ka?
HABANG naghahanap-buhay ka sa simula ng Bagong Taon, mabubuking mo ang bagong bolahan, ang pinaigting na mabulaklak na mga salita ng mga politiko.  Siyempre, ilang gising na lang, eleksyon na.  Kaya kailangang palagi kang gising.
Hindi ka aantukin habang pinaghehele ng pambobola ng mga politiko (biruin mo, pag maniwala ka sa kanya, gaganda ang buhay mo?  Biruin mo, kapag tinanggap mo ang kanyang salita at nagtiwala ka sa kanya, makaaalis ka na sa kahirapan!).
Kailangang hindi ka antukin para malaman mo kung sino ang nagsasabi ng totoo, o ng mas totoo, o ng mas malapit sa katotohanan.  Kasi, gagamitin na naman nila ang kahirapan (kuno) ng 2009 para iboto mo sila sa 2010.  Sasabihin na naman nilang walang nagawa yung mga kalaban nila noong 2009 kaya’t mahirap ka pa rin sa Bagong Taon, pero makaaahon ka na sa Mayo 2010 kapag ibonoto mo sila.
Nanood ka ba ng TV kahapon?  Nakinig sa radyo? O nagbasa ng dyaryo?  Napanood, nadinig at nabasa mo ba sila?
Pabobola ka naman ba para sa kanilang hangalan sa Mayo?

BANDERA Editorial, 010410

Read more...